DALAWANG estudyante na ng San Beda School of Law ang namamatay dahil sa isinagawang hazing ng fraternity. Ang una ay si Marvin Reglos, 25, na namatay makaraang isailalim sa initiation ng Lambda Rho Beta fraternity noong Pebrero 19 sa isang bahay sa Antipolo City at ang ikalawa ay si Marc Andre Marcos, 21, na umano’y namatay din dahil sa isinagawang initiation ng Lex Leonum Fraternitas noong gabi ng Hulyo 29 sa isang farm sa Dasmariñas City, Cavite.
Mayroon pa kayang susunod na estudyante ng San Beda? Sana, wala na. Dapat nang maputol ang nangyayaring karahasan na dulot ng pagpapahirap sa mga bagong miyembro ng fraternity. Hindi na maganda ang nangyayari na sa loob ng isang taon ay dalawang magkasunod na buhay ang nawala. At masakit isipin na ang mga namatay ay pawang mga kabataan na maganda sana ang kinabukasan. Sina Reglos at Marcos ay pawang mga matatalinong estudyante na maaaring maging mahusay sanang abogado kung hindi nangyari ang hazing.
Malaki ang pananagutan ng school sa mga nangyayari sa kanilang estudyante. Hindi dapat hayaan na mapahamak ang kanilang mga estudyante sa mga mararahas na organisasyon o samahan. Nararapat lamang na namo-monitor ng pamunuan ng school ang mga samahan, organisasyon, fraternities at sororities sa campus. Nararapat pakialaman ng school ang anumang nangyayari sa mga samahan o organisasyon para matiyak na hindi mapapahamak ang mga estudyante.
Mabigat ang sinabi ng Commission on Higher Education (CHED) ukol sa dalawang pangyayari na sangkot ang estudyante ng San Beda. Ipinaaalala niya sa pamunuan ng San Beda na mayroon silang responsibilidad sa nangyari sa kanilang estudyante. Nakasaad umano sa Anti-Hazing Bill na dapat ay may listahan ang mga school ng fraternities at sororities na aktibo sa kanilang institution. Gayunman, sinabi ng San Beda sa CHED na wala silang nire-recognized na fraternities o sororities sa kanilang institution.
Maiiwasan ang walang kakuwenta-kuwentang kamatayan ng neophytes sa kanilang mga “brod” kung ang school na rin mismo ay magkakaroon ng sariling pag-iimbestiga at pagsusuri sa mga sasalihang fraternities o sororities. Gabayan sana ang mga estudyante para hindi masayang ang buhay.