KINASUHAN na ng murder at paglabag sa Anti-Hazing Law ang law student ng San Beda na si Gian Angelo Veluz. May kaugnayan ito sa pagkamatay ni Marc Andrie Marcos dahil sa hazing. Kinasuhan din ang dalawang babaing empleyado sa farm na pag-aari nina Veluz. Dito umano ginanap ang hazing ng isang fraternity.
Ayon sa mga tauhan ng farm, maraming tao ang dumating at tila nagsasaya. Pero habang gumagabi ay nakarinig na sila ng mga sigaw at daing ng sakit. Si Veluz at ang dalawang babae ang nagdala kay Marcos sa ospital. Bukod sa tatlo, may hinahanap pang isang lalaki. Lahat ng nabanggit ko, hindi na makita. Nagtago na para matakasan ang batas o nagtago para maplano kung paano mananalo sa kasong isasampa sa kanila! Kung sino ang mga kailangang kausaping “brod” para makatulong sa kasong isasampa sa kanya!
Sa dami ng kasong anti-hazing na nasampa laban sa ilang tao na miyembro ng mga fraternity, wala pa akong nababalitaang nahahatulan na may sala at nakukulong! At paano mananalo? Puro abogado ang kalaban na may posisyon kung saan-saan sa pribadong sektor o sa gobyerno, o sa hudikatura mismo! Dito papasok ang walang kuwentang fraternity na hinahangad ng maraming mag-aaral ng abogasya! Na kapag nalagay sa alanganin sa batas, may mga padrinong sasalo o hihingi ng “balato” sa mga kapwa miyembro ng fraternity kaya paano mananalo?
At huwag nang maglabas ng pahayag ang mga kolehiyo na may kursong abogasya na hindi nila pinapahintulot ang pagtayo ng mga fraternity sa kanilang kolehiyo. Napakaraming law fraternities diyan na tanggap ng mga kolehiyo, at itinatanggi na lang kapag may napapatay na! Anong klaseng fraternity ang pumapatay ng mga potensiyal na miyembro?
Anong klaseng abogado ang magiging produkto ng isang fraternity na pumapatay ng tao?
Kung talagang seryoso ang mga senador sa pagbabago ng Anti-Hazing Law, gawin agad para maparusahan ang mga sangkot sa hazing at mabigyan ng hustisya ang biktima.