MALAYO na talaga ang nararating ng Philippine Ra-cing Commission (Philracom) tungo sa “tuwid na daan” program ni President Noynoy Aquino kumpara sa mga nagdaang administrasyon. Bukod sa tumaas ang kita ng ahensya, tinitingala pa ito sa ngayon ng mga karerista hindi lamang sa bansa kundi sa buong mundo. Nalinis na ni Philracom chairman Angel Castaño Jr. sa game fixers ang ahensya kaya suwabe na ang takbo ng karerahan. Sa puntong ‘yan, bumalik ang tiwala ng horse owners sa Philracom officials at dinagdagan ang kanilang investment para lumawak ang karera ng kabayo sa bansa.
Tahasang ipinagmalaki ng Philracom sa 32 racing nation ang pagkakaroon ng Triple Crown grandslam champion ng kabayong “Hagdan Bato” na alaga ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos sa bansa sa ginanap na Asian Stud Book Committee conference sa Istanbul, Turkey. Namangha ang delegado mula sa 25 bansa nang ipagmalaki nina Philracom Chairman Castaño Jr. at Ra-cing Executive Director Commissioner Jess Cantos, na may super horse sa Pilipinas na tinanghal na grandslam champion sa 2012 Triple Crown championship na ginanap sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite noong Hulyo 15.
Namangha ang mga delegado ng Australia, Hong Kong, Japan, Middle East at European country dahil ang Pilipinas lamang ang nagkaroon ng grandslam champion gaya ng kabayong “Hagdan Bato” ni Abalos. Naipakilala sa mga bansang dumalo sa komperensiya na may magagaling na kabayong pangarera sa Pilipinas. Bukod sa pagsungkit sa tatlong titulo ng Triple Crown, tinanghal din na juvenile champion ang “Hagdan Bato” na nagpasigla ng karera sa bansa.
Namangha ang mga delegado nang malaman na may anim na araw na karera sa loob ng isang linggo at mahigit na 300 pakarera sa loob ng isang taon. “Nagulat sila sa bilang ng karera natin sa kabila ng kakulangan ng kabayo,” ani Cantos. Napatunayan umano ng Pilipinas na buhay na buhay ang industriya ng karera sa bansa.
Sa pamamagitan ng mga programa ng Philracom, napatunayan na higit tayong naging advantage sa pagpapatupad ng batas sa horse racing.