Gloria bayaan sa laya habang nililitis
HINDI ako apologist o tagadepensa ni dating Presidente na ngayo’y Pampanga Rep.Gloria Arroyo. Ngunit ang atas ng Ombudsman sa Sandiganbayan na arestuhin uli siya matapos siyang pagpyansahin ng korteng dumidinig sa kanyang electoral sabotage case ay nagbibigay ng masamang batik sa administrasyon.
Para bang personalan na ang labanan at komo nasa poder ang administrasyong ito, ubra nang paglaruan ang isang kalaban sa pulitika. Kahit well-meaning ang administrasyon sa hangad na panagutin ang lahat ng may dapat panagutan sa batas, hindi maganda ang imaheng ipinakikita nito.
Sa takbo ng mga pangyayari, baka bumuhos ang suporta ng nakararami kay Arroyo. Alam niyo naman ang underdog mentality ng nakararaming Pilipino. Kung sino ang inaakalang inaapi ang siyang pinapanigan.
Mantakin naman na wala pang 24-oras na nakalalaya si Gloria ay humirit na ang Ombudsman para sa muling pag-aresto sa kanya. Parang political persecution ang lumalabas kahit hindi. Maaari ngang non-bailable ang bagong kaso tungkol sa paglustay umano ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office, pero ang timing ng pagpapalabas ng kautusang dakpin si Arroyo ay baka mag-backfire sa administrasyon.
Bakit hindi pa isinilbi noon pa ang warrant at sa halip ay isinabay pa sa kanyang pansamantalang paglaya? Masakit na biro iyan.
Tutal hindi naman matatawag na malayang ganap si Mrs. Arroyo. May nakabinbin siyang mga kaso na kasalukuyang nililitis. Ang krimen naman na ipinapataw sa kanya ay hindi kagaya ng sa mga Ampatuan na maramihang pagpatay para hindi payagang magpiyansa.
Kung ang pinanga-ngambahan ay ang posibleng pagpuslit ni Mrs. Arroyo palabas ng bansa, eh di tanuran siyang mabuti. Tutal mayroon namang hold departure order laban sa kanya.
Batid ng lahat kahit hindi abogado ang tinatawag na presumption of innocence ng sino mang akusadong hindi pa nahahatulan.
Para tiyakin ang conviction ni Mrs. Arroyo, dapat gumamit ng mga de kalibreng abogado ang pamahalaan at habang nililitis, bayaan na lang siyang malaya muna. Kapag nahatulan eh di doon na lang ikalaboso.
- Latest
- Trending