TAGUMPAY na maituturing ng BITAG ang desisyong ipinalabas ni Quezon City Regional Trial Court Branch 76 Presiding Judge Alexander Balut. Ibinasura ni Judge Balut ang Writ of Preliminary Injuction na naunang inihain ng pamunuan ng Global Pinoy Remittance and Services (GPRS).
Makailang ulit sinubukan ng pamunuan ng GPRS na pigilan ang pagpapalabas ng episode ng BITAG sa TV5 at UNTV37. Maging ilan sa mga kapatid namin sa hanapbuhay na nagsisilbing “abogado” ng GPRS ang nagtangkang “arborin” at pigilan ang pagpapalabas ng episode.
Ang kontrobersyal na episode ay naglalaman ng aktuwal na sumbong, panayam sa mga kumpanya tulad ng Meralco na todo tanggi na mayroon silang kaugnayan sa GPRS, surveillance at entrapment operation.
Noon pa man, naging pamantayan na ng BITAG ang pagdodokumento sa aming trabaho mula umpisa hanggang huli. ‘Ika nga, step by step hangga’t makuha ang katotohanan sa likod ng reklamo o sumbong. Bagama’t hindi layunin ng BITAG na makasira sa isang negosyo, kaakibat ng aming tungkulin ang pagbibigay babala sa publiko.
Ang pagpapalabas sa kontrobersyal na episode ay pagsunod lamang sa karapatan ng publiko na malaman ang katotohanan. Malinaw na ang pakikialam ng GPRS sa trabaho ng BITAG ay isang paraan ng pagsupil sa karapatan sa malayang pamamahayag.
Ang ipinalabas na desisyon ni Judge Balut ay isa namang malinaw na pagkilala sa karapatang ito.
Malinaw na nakasaad sa desisyon ni Judge Balut na ang pagpapalabas ng Writ of Preliminary Injunction ay isang paraan ng pagsupil sa press freedom.
Nawa’y maging aral sa mga kapatid naming mamamahayag maging sa publiko ang kaso sa pagitan ng BITAG at GPRS. Buo ang loob ng BITAG na harapin ang lahat ng hamon sa amin dahil alam naming nasa panig kami ng katotohanan.
* * *
Para sa inyong sumbong at mahahalagang tips, tumawag sa 9328919, 9325310, magtext sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com. Maaari ring magsadya sa aming tanggapan, 299 Syjuco Building, Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.