SIRAAN at dirty tricks. Karaniwan nang nangyayari iyan kapag papalapit ang eleksyon. Ang isang kandidatong popular sa taumbayan ay sinisiraan. Kaya nga ang ibang politiko diyan ay may tinatawag na “dirty tricks department.” Wish ko lang mabura na ang ganyang pangit na kultura at maglaban-laban ang mga politiko base sa kakayahan at accomplishment.
Kamakailan, naisulat ko sa kolum na ito ang magandang economic and financial standing ng Cebu sa ilalim ng pamamahala ni Gov. Gwen Garcia. Sa kasamaang palad, si Gov. Gwen, kasama ang ilang local officials ng probinsya ay nahaharap sa kasong “illegal use of public funds” sa Ombudsman.
Kaugnay ito ng pagbili ng pamahalaang panlalawigan ng bahagi ng Balili Estate sa Naga, Cebu. Kesyo maanomalya raw ang transaksyon.
Ngunit di maitatanggi na umabot sa P28.60 bilyon ang kabuuang assets ng lalawigan ng Cebu noong 2010 sa pamumuno ni Gwen. At walang anumang utang na dapat bayaran ang probinsiya. Si Gwen ay unang nahalal noong 2004 at sa unang tatlong taon pa lang ng panunungkulan ay nakapagtala ang lalawigan ng 300 porsyentong karagdagan sa assets nito: mula P4.25 bilyon noong 2004 hanggang 17 bilyon noong 2007.
Bahagi ng tagumpay na ito ang paglulunsad ni Governor Gwen ng Obra, Negosyo, Eskwela Countryside Enterprise Business Upliftment (ONE CEBU) program. Ito’y isang proyekto ng pagtutulungan ng mga sektor sa negosyo at edukasyon sa layuning lumikha ng maraming trabaho sa mga mamamayan ng Cebu at lalong mapaunlad ang negosyo at kalakalan sa lalawigan.
Bahagi rin nito ang pagtuturo sa mga estudyante kung paano sila makapagtatayo ng negosyo at kung paano patatakbuhin at palalaguin ito. Higit ding pinasigla ng gobernador ang scholarship program ng Cebu na kumalinga na ng 385 scholars nitong nakaraang taon, mula sa 22 scholars lamang.
Pinabulaanan naman ng Gobernadora ang mga alegasyon na aniya’y walang basehan. Well, para ka namang bago Gov sa pulitika sa Pinas. Ganyan talaga ang labanan sa “dirty politics” na puro siraan.