KARANIWAN nang hinaing ng mga kamag-anak ng mga suspect sa kung anumang krimen na planted lang ang mga ebidensiyang nakakalap sa mga katawan nila lalo na pag sila’y nahuhuling buhay o di kaya ay namamatay sa engkuwentro sa mga otoridad.
Humahagulgol ang mga magulang ng tatlong binata na namatay sa isang shootout kamakalawa sa Nova Tierra Village dito sa Davao City. Dalawa sa mga namatay ay mga 16-na taong gulang habang ang isa ay 17-taong gulang.
Ang tatlo ay pawang hindi mga residente ng Nova Tierra Village. Sila ay mga taga Bajada, na may ilang kilometro rin ang layo mula sa Nova Tierra Village.
Ang shootout na nangyari sa Nova Tierra ay pinangunahan ng chief of police ng Sasa Police Station na isang babae--- si Superintendent Royina Garma. Nangyari iyon dahil nga may nagbigay ng tip sa police na may tatlong mga hindi kilalang mga kalalakihan na naglalakad sa nasabing subdivision.
Ito ay pagkatapos na nakatanggap ang Sasa Police Station ng maraming complaints ng magkasunod na nakawan o insidente ng akyat-bahay sa nasabing village.
At nangyari nga ang shootout na kung saan namatay ang tatlong binata dahil nga ayaw nilang sumurender nang mapayapa sa mga otoridad.
At ayon sa pulisya ay nakitaan ng isang baril at isang granada ang dalawa sa mga namatay.
Labis ang hinagpis ng mga kamag-anak ng mga namatay na suspects dahil nga raw planted ‘yung mga ebidensiya na nakitang hawak-hawak nila. Planted nga raw ang mga nasabing ebidensiya.
Ngunit paano rin maipaliwanag ng mga kamag-anak nila kung paano nga naging andun sa loob ng isang posh subdivision ang tatlong suspects na namatay sa dis-oras ng gabi na hindi naman sila taga-roon?
Mga ala-una nga ‘yon ng madaling-araw nangyari ang shootout pagkatapos na sila ay inireport ng mga naka-pansin sa kanilang kahina-hinalang kilos sa loob ng subdivision.
Totoo yung mga kuwento ng planted evidence minsan sa ibang kaso. Ngunit sa pagkakataong ito kailangan din ng paliwanag paanong paikut-ikot ang tatlong suspect sa loob ng isang subdivision na kung saan hindi naman sila mga residente at sa alanganin pang oras?
Bilib ako kay Supt. Garma at sa kanyang mga tauhan sa Sasa Police Station sa kanilang accomplishment. Mabuhay kayo!