Mt. Carmel Seminary sa Sariaya, 70 years na
BUKAS (Hulyo 16) ay 70-taon na ang Our Lady of Mount Carmel Seminary (dating Most Holy Rosary Seminary, Tayabas) sa Bgy. Tumbaga, Sariaya, Quezon. Buong pusong papuri at pasasalamat sa Diyos! Itinayo ito ni Obispo Alfredo Versoza, obispo ng diosesis ng Lucena noong 1942 at itinaguyod ni Obispo Alfredo Maria Aranda Obviar. Ito ang naging kauna-unahang seminario diosesano na may college philosophy department noong 1958.
Ang mga kauna-unahang seminarista rito ay sina Rafael Lim (Boac, Marinduque) nagtapos sa UST at Vaticano Roma at Ricardo Vidal (Mogpog, Marinduque) nagtapos sa San Carlos Seminary. Makalipas ang maraming taon sila’y naging mga propesor ng nasabing seminary. Hindi nagtagal naging obispo ng Laoag at Marinduque si Lim samantalang obispo ng Malolos, arsobispo ng Batangas at Cardinal ng Cebu si Vidal. Ang rector noon ay naging obispo rin ng Borongan, Samar si Godofredo Pedernal.
Nang magretiro na si Obispo Obviar ay pinalitan siya ni Obispo Jose T. Sanchez naging arsobispo ng Vigan at Cardinal sa Roma. Sa kasalukuyan, marami nang mga pari ang nagtapos sa Mt. Carmel na nanggaling din sa iba’t ibang probinsya at diosesis katulad ng Marinduque, Infanta, San Pablo-Laguna, Borongan-Samar, Tarlac at Nueva Ecija. Sina Obispo Ruben T. Profugo, Emilio Z. Marquez, Jose T. Oliveros, Obispo ngayon ng Malolos, Bulacan ay mga anak din ng Mt. Carmel at ang dating propesor na si Angel N. Lagdameo ngayon ay Arsobispo ng Jaro, Iloilo.
Ang pahiwatig sa atin ng Diyos simula pa noong tayo ay Kanyang likhain ay ang patuloy nating pagsunod sa Kanyang kalooban. Patuloy tayong magpuri at mag-pasalamat sa Panginoon sa pagkakaloob sa atin ng isang tahanan. Katulad sa mga disipulo ang ating misyon
ay ang pagiging sugo ni Hesus. Ang mga anak na pari ng Mt. Carmel ay ang mga buhay na sugo at disipulo ng Panginoon.
Ang tunay na disipulo ni Hesus ay ang sumusunod sa Kanyang tagubilin. Mang-akit pa tayong mga anak ng Mt. Carmel upang lubusan nating maparami ang prutas ng ating seminaryo upang maging pari ng Monte Carmelo.
Am 7:12-15; Salmo 85; Eph 1:3-14 at Mk 6:7-13
- Latest
- Trending