PALAGAY ko walang Presidente ng bansa ang masugid na susuporta sa Charter change. Palaging mangingimi. Bakit?
Kasi malamang na siya’y pagdududahan ng taumbayan na: May sariling agenda kaya isinusulong ang pagbabago sa Konstitusyon.
Magugunita natin na noong Presidente pa si Fidel Ramos, sa una’y sinuportahan niya ang panukalang repormahin ang Saligambatas. Pero sandamakmak na batikos ang inabot niya. Kesyo gusto raw ni Ramos na magtagal sa puwesto. Atras si Tabako. Aniya: “I’m consigning cha-cha to the backburner of my priorities.
Ngayo’y umuusok na namang isyu ang Cha-cha. Ang mga mambabatas sa Mababang Kapulungan sa pangunguna ni Speaker Sony Belmonte ay masugid na isinusulong ito.
Ang problema ay nagsalita na si Presidente P-Noy. Hindi raw niya itinuturing na prayoridad ang Cha-cha. Abala ang Pangulo sa pagsugpo ng korapsyon at pagpapaunlad sa ekonomiya sa harap ng dumaraming Pilipinong nagugutom. Chicha muna bago Cha-cha.
Ngunit sa tingin ko, umiiwas din si PNoy sa batikos. Pero kung ako ang Pangulo at inaakala ko na may infirmities ang Konstitusyon na dapat gamutin, papayag ako sa Cha-cha.
Pero ang gagawin ko ay lalagda ako ng waiver na sa ano mang mababagong probisyon kagaya ng posibleng pagpapalawig sa termino ng Pangulo, hindi ako kasali bilang incumbent President.
Handa naman daw makinig sa “wisdom” nina Speaker Belmonte at Senate President Juan Ponce-Enrile ang Pangulo kaugnay ng cha-cha.
Matagal nang usapin ito na sa bawat bagong administrasyon ay sumusulpot. Ang pinag-uusapan lagi ay ang pagko-convene ng dalawang kamara ng Kongreso bilang consti-tuent assembly para magsagawa ng mga kailangang reporma sa Konstitusyon.
Maganda lagi ang layunin ng “reporma” pero dapat lang, walang hidden agenda na pakikinabangan ng sino man sa mga ibig baguhin ang Karta.