TAKAM na takam ang mga taga-China sa mga likas na kayamanan natin! Halos dalawang milyong “baby eels” ang nadiskubre sa airport patungo ng Hong Kong. Nakalagay ang mga semilya sa mga plastic bag na may tubig, at nakalagay sa mga kahon. Tinutukoy na ngayon kung sino ang may-ari ng mga cargo, at kung sino ang tatanggap sana ng mga ito. Hinuhuli ang “baby eels” dito sa bansa, dinadala sa Hong Kong, China at doon pinalalaki. Kapag tama na ang laki, binebenta sa mga kainan at hinahanda. Paniniwala ng mga taga-China ay may mga pampaganang sangkap ang mga hayop, kaya kinakain. Ano nga ba ang hindi kinakain ng mga iyan?
Isa lang patunay na habol talaga ng China ang mga yaman natin, katulad ng mga isla sa karagatan ng kanlurang Pilipinas. Inaakala na mayaman sa langis at natural gas ang ilalim ng mga islang ito, kaya inaangkin na lahat! Kasama na ang mga bird’s nest at sharks fin, bukod sa mga isdang iligal na hinuhuli sa mga nasabing isla. Nauubos na siguro ang mga pinaghuhulihan nila ng isda, kaya kung saan-saan na pumupunta sabay angkin na rin ng lugar!
Ang masaklap, ay may mga tumutulong pa na kababayan natin sa mga iyan na makuha ang mga yaman natin, para lamang sa pera. Hindi na baleng maubos, basta kumita lang sila! Ang “baby eels” ay bawal nang hulihin at ilabas ng bansa dahil kumokonti na nga ang mga bilang nila. Pero eto, dalawang milyong semilya, paalis na sana ng bansa! Sino ang tumulong sa mga iyan na hulihin ang mga semilya? Hindi naman siguro ang mga taga-China mismo ang nanghuli sa mga iyan, di ba? Sila rin ang dapat hanapin at pagmultahin at ikulong, para matuto. Kailangan isipin din ang kalikasan ng bansa, hindi lang kita o pera!
Ilan na kaya ang nakapuslit na’t wala na sa bansa, bago nahuli ang mga ito? At hindi lang mga semilya ang bawal nang ilabas, kundi marami pang mga likas na kayamanan. Kailangan talagang matukoy kung sino, o anong sindikato ang nasa likod ng operasyon. At kung sino ang kanilang kasabwat sa gobyerno! Siguradong may kumikita diyan!