LUMANG modus na pero napakarami pa ring nabibiktima, hindi lamang sa Metro Manila pero maging sa mga probinsiya mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Mula nang mauso at lumabas ang iba’t ibang unit ng mga cell phones sa bansa, Pilipinas na ang itinuturing na “text messaging capital” sa buong mundo. Karamihan sa mga Pilipino, mapababae, lalaki, bata o matanda man, hindi nagpapahuli, lahat mayroon nang cell phone.
Kaya naman ang ilang kawatan, sinamantala ang pagkakataon na makapanloko gamit ang makabagong teknolohiyang ito. Modus ng mga ito ang mag-text sa iba’t ibang numero at magpakilalang abogado para magsabing nanalo sila mula sa isang raffle at promo. Pero bago pa man makuha ng biktima ang kanyang premyo, samu’t saring bayarin ang ipababayad sa kanya at ipapadala sa account ng dorobo.
Hindi nalalayo sa ganitong modus ang naranasan ni Anna. Basahin ang ilang bahagi ng kanyang e-mail sa BITAG.
Huwebes po nang maka-receive ako ng text galing sa isa sa mga kabarkada ko noong nasa high school pa lamang po ako. Humihingi po siya ng tulong dahil may emergency sa kanilang bahay at kailangan daw niya ng P5000..
Inakala ko pong naki-text lamang siya dahil ibang number ang nag-register sa cell phone ko. Bukod pa dun, kilala niya ako sa palayaw na mga kaibigan ko lang din ang nakakaalam kaya hindi po ako nagdalawang-isip na pahiramin siya ng pera sa kabila ng sitwasyong pinag-iipunan ko rin ang mga gastusin para sa panganganak ko sa susunod na buwan.
Tulad ng sinabi niya, pinadala ko po agad pagdating ng Sabado ang halagang P5000 sa pamamagitan ng Smart Money Padala. Huli na po nang malaman ko mula mismo sa kaibigan ko na hindi siya ang humihiram ng pera sa akin. Ngayon po ay hindi na makontak ang number na ginamit ng taong nagpanggap na kaibigan ko.
Ang kaibahan nito sa karaniwang text modus na nakararating sa aming kaalaman, bago pa man siya i-text ng suspek, na-profile na siya. Kaya naman buong tiwalang nagpadala ang biktima sa lahat ng mga kasinungalingang ikinwento sa kanya.
Narito ang ilang tips para maiwasang maging biktima ng mga kawatang gumagamit na ng makabagong teknolohiya para makapambiktima:
Una, huwag maglagay ng mga personal na impormasyon sa internet, lalo na sa mga Social Networking Sites. Maaari itong gamiting source of information ng mga dorobong lingid sa iyong kaalaman ay pinag-aaralan na ang iyong pagkatao.
Pangalawa, maging paladuda sa mga text o tawag na mula sa numerong hindi mo kakilala.
Pangatlo, magtanong sa ibang kakilala at maniguro sa sitwasyong nabalitaan bago ka pa maglabas nang malaking halaga.
Mas mabuti na ang nakakasiguro kaysa mauwi lamang ang mabuting intensiyon at pagkakawanggawa sa pagsisisi.