Mga walang pinag-aralan

Parang di nag-aral ang matanda’t bata

Nag-aral nga sila’y tila balewala;

Mga kabataang sa iskul nahasa

Ang inaral nila’y kalinisang pawa!

Sa lahat ng lugar, sa lahat ng sulok

Ang bata’t matanda hindi sumusunod;

Basurang nagkalat dapat pinupulot –

Pagka’t di maganda sa bayang alindog!

Kapirasong papel, balutan ng kendi

Upos ng cigarette ay hindi intindi;

Sa loob ng bus, sa gitna ng kalye

Basurang nagkalat maraming-marami!

Sa mga tahanang palasyo at dampa

Tambak ng basura’y hindi nawawala;

Magulang at anak ay nagpapabaya

Kaya ang basura ay problema na nga!

Sa mga tahanang nasa tabing-ilog

At mga lugaring sagana sa lamok;

Dapat mga tao’y sumunod sa utos –

Basura’y alisin sa lahat ng sulok!

Dahil hindi sila marunong maglinis –

Magulang at anak ay nagkakasakit;

Pagpatak ng ulan – may bahang mabagsik

Sa buhay at bahay siyang naglilinis!

Malakas na hangin na dala ng bagyo

Ang basura’y taboy sa lahat ng dako;

Ang ilog at kanal ay laging barado

Sa mga basura at dumi ng tao!

Kaya walang pook na ligtas sa dumi

At mga basurang maraming-marami;

Mga suluk-sulok ay hindi rin libre

Walang naglilinis – tao’y walang paki!

Ang resulta nito – bahang delikado

Sa lahat ng lugar nagaganap ito;

Sa bukid at bayan at maging sa metro

Dukha at mayaman lubog sa delubyo!

Show comments