Inampon pati sa apelyido
NAKASAAD sa Art. 365 Civil Code, tataglayin ng inampon ang apelyido ng mag-asawang nag-ampon sa kanya, dahil nga sa isa sa mga epekto ng proseso ng pag-ampon ay ang karapatan ng inampon na gamitin ang apelyido ng mga nag-ampon sa kanya (Art. 189, Family Code). Ang tanong sa kasong ito ni Mario ay kung puwede bang palitan ng inampon ang apelyido niya at ibalik sa apelyido ng tunay niyang mga magulang.
Si Mario ay legal na anak ni Mario de la Cruz Sr. at ni Severina dela Cruz. Noong 2-taong gulang pa lang siya at kilala sa pangalang Mario de la Cruz Jr. ay inampon siya nina Mr. at Mrs. Chua, mag-asawang Intsik na naging naturalized Filipino citizen. Pumayag ang mga magulang niya sa pag-ampon at may desisyon ang korte na pinapayagan ang ginawang pag-ampon kay Mario. Parehong kumikita ang nag-ampon kay Mario, iyon nga lang ay hindi sila magkaanak. Binusog nila ng pagmamahal si Mario at pinalaki bilang tunay na anak.
Noong 22-anyos si Mario at estudyante ng enginee-ring sa kolehiyo at kasal na, nagpetisyon siya upang palitan ang pangalang Mario Chua at ibalik sa dati niyang pangalan na Mario de la Cruz Jr. Noon ay patay na ang tatay-tatayan niya at si Mrs. Chua naman ay walang pagtutol sa gagawin niyang pagbabalik sa paggamit ng dating apelyido basta hindi maaapektuhan ang legalidad ng pag-ampon na ginawad ng korte at siya pa rin ang isa sa legal na tagapagmana ni Mrs. Chua.
Gustong palitan ni Mario ang kanyang apelyido dahil sa kahihiyan at panlilibak na inaabot niya kapag hu-maharap siya sa mga kaibigan at kamag-anak. Laging napapansin na dugong Pilipino siya pero ang ginagamit na apelyido ay Intsik.
Kinontra ng Solicitor General na tumatayong abogado ng gobyerno ang petisyon dahil ito ay labag sa batas sapagka’t malinaw na ipinag-uutos daw ng batas na dapat taglayin ng batang inampon ang apelyido ng mga nag-ampon sa kanya at ito ang katibayan na naghihiwalay sa kanya mula sa tunay na mga magulang, lalabas daw kasi na parang pinuputol na ni Mario ang kaugnayan niya sa mga nag-ampon sa kanya. Puwede nga ba si Mario na bumalik sa paggamit ng dati niyang apelyido?
PUWEDE. Totoo nga na nakasaad sa batas na dapat palitan at taglayin ng bata ang apelyido na nag-ampon sa kanya. Ngunit dapat daw nating tandaan na ang pagpalit ng pangalan ay insidente lang at hindi tunay na layunin ng pag-ampon. Ang pag-aampon ay nagbibigay ng estado ng pagiging magulang at anak sa mga taong hindi naman magkadugo. Ang pagpalit ng pangalan ay hindi nakapagpapalit ng relasyong pampamilya tulad ng magulang at anak, o ng mga karapatan at obligasyong galing dito. Sa paglalakad kung sino ang puwedeng magpalit ng pangalan, ginagamit lang ng batas ay ang katagang “tao” o persons, kaya walang basehang legal o katwiran ng ipagkaila sa isang ampon ang remedyong ito.
Ang remedyong ito sa pagpalit ng pangalan/ apelyido ay isang solusyon ng taong nagpetisyon. Ang mga dahilan na ibinigay ni Mario ay tama at napatunayan (Rep. vs. Court of Appeals, 209 SCRA 189).
- Latest
- Trending