NOONG nakaraang linggo, nakapanayam ko sa aking programa sa radyo ang isang officer ng Food and Drug Administration (FDA) upang talakayin ang natatanggap kong mga balita tungkol sa ilang herbal cough medicine brands na may bacteria. Kamakailan lamang, mayroon ding isang nalathala na artikulo sa isang pahayagan na sinulat ng isang respetadong doktor na si Dr. Raffy Castillo tungkol sa isang research ng isang laboratoryo na may mga sangay sa iba’t ibang bansa at accredited pa ng FDA. Ang nakapukaw sa atensyon ng nasabing manunulat ay ang TV commercial ng Solmux na kinatatampukan ni Vic Sotto kung saan sinabi niyang may ibang herbal cough medicines ngayon na may bacteria.
Masasabi kong bitin ang isang oras para mapag-usapan ang kahalagahan ng FDA sa pangangalaga na ating kalusugan. Sa aking maikling panayam, natumbok ko na hanggang ngayon, malaki pa rin ang pagkukulang ng gobyerno sa pagbibigay ng ayuda sa mga ahensyang kritikal sa ating lipunan tulad ng FDA. Noong 2009, ipinasa ang BFAD Strengthening Law o Republic Act 9711 na naglalayong palakasin ang FDA (dating BFAD) upang mapangalagaan nang husto ang kalusugan ng mga Pilipino. Kasama na rito ang karagdagang pondo upang mapunuan ng tamang bilang ng tao ang ahensya, magpatupad ng mga regulasyon na makakatulong sa pagpapalaganap ng kaligtasan at mataas ng antas ng kalidad ng mga produktong nasa bansa, magkaroon ng sapat na laboratory testing centers at paigtingin ang mga post market surveillance upang matiyak na ligtas ang mga produktong nasa pamilihan.
Sa kaso ng mga herbal cough medicines, lumabas sa isang pag-aaral kamakailan lang na meron ngang nabibili ngayon na mga gamot na lampas ang level ng bacteria na hindi kakayanin ng mga tao. Paano nakalusot ito sa FDA?
Ayon sa aking panayam, libo na ang mga establisimentong binabantayan ng FDA subalit hindi naman nadadagdagan ang mga tao ng FDA na nagpapatupad ng monitoring system nila. Kaya sinabi ng taga FDA na dapat daw ay tupdin ng mga manufacturing companies ang pamantayan ng Current Good Manufacturing Practices (CGMP). (Sundan ang karugtong bukas)