NAIS ko’ng paksain ito para magsilbing inspirasyon sa lahat ng lalawigan at bayan ng bansa. Ang katatagan kasi na ekonomiya ng bansa ay nakasalalay sa magandang takbo ng pananalapi sa bawat lalawigan, bayan at lungsod.
Alam niyo ba na ang probinsya ng Cebu ay “number one” sa buong Pilipinas sa punto ng pananalapi? Noong 2010 lamang ay nakapagtala na ng kabuuang assets na umabot sa P28.60 bilyon. Ang maganda pang idagdag dito ay walang anumang utang ang lalawigan na dapat bayaran. Puro asset at walang liability.
Congrats sa kaunaunahang lady governor ng probinsya na si Gobernador Gwendolyn Garcia. Taong 2004 lang nang maluklok siyang governor. Sa unang tatlong taon pa lang ng kanyang panunungkulan, nakapagtala na ang provincial government ng 300 porsiyentong karagdagan sa assets nito, mulang P4.25 bilyon noong 2004 hanggang P17 bilyon noong 2007.
Modelo rin ang mga programa ni Gobernadora gaya ng: Obra, Negosyo, Eskwela Countryside Enterprise Business Upliftment (ONE CEBU) program. Dito’y nagtutulungan ang sektor ng negosyo at edukasyon upang maibigay ang higit na trabaho sa mga mamamayan ng Cebu. Tinuturuan ang mga estudyante sa pagtatayo ng negosyo at kung paano patatakbuhin at palalaguin ito.
Nanguna rin si Gwen sa pagpapalaganap ng livestock dispersal, pamamahagi ng mga vegetable seedlings, pagtatanim ng kamote, saging at fruit trees, pag-aalaga ng tilapia at bangus at pagbibigay ng micro-loans sa kababaihan. Likas ang talento ni gobernadora palibhasa ay naging banker at magaling magpatakbo ng negosyo.
Sana’y gawing modelo ng bawat lalawigan sa bansa ang mga programa sa Cebu para matupad ang malaon nang inaasam na economic growth.