INOOBSERBA ngayong Hunyo ang “Dengue Awareness Month” upang bigyan ng atensiyon ang problema sa “mosquito transmitted infection” at kung paano ito maiiwasan o malalabanan. Noong Hunyo 15, inobserba rin ang taunang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Dengue Awareness Day.
Una rito, iniulat ng World Health Organization (WHO) na mahigit 50 milyong katao sa buong daigdig ang nagkaka-dengue taun-taon. Karamihan ay mga nasa bansa sa Asya — Pilipinas, Myanmar, Cambodia, Brunei, Indonesia, Singapore, Thailand at Vietnam.
Ayon sa Department of Health (DOH), dito sa ating bansa ay umaabot na sa 32,193 dengue cases ang naitala nila mula Enero hanggang Hunyo 2012 kung saan, 195 sa mga ito ang namatay.
Naitala sa Central Luzon ang 5,552 dengue cases; National Capital Region, 7,650; Calabarzon, 4,508; Quezon City, 2,111; Manila, 1,420; Caloocan, 840; Parañaque, 519 at Pasig, 478.
Ang range ng edad ng mga naging biktima ay mula isang buwan hanggang 90 taong gulang, at ang pinakamalaking bulto nito (40 porsiyento) ay nasa edad isa hanggang 10 taong gulang.
Aminado ang DOH na nakaaalarma ang naging pagtaas ng bilang ng mga kaso ng dengue ngayong taon kumpara sa 30,989 cases noong Enero hanggang Hunyo 2011.
Kaugnay nito, ibayong pinaiigting ng mga kinauukulan ang kampanya hinggil sa dengue kaya ang tema ng okasyon ngayon ay “Aksyon Barangay Kontra Dengue, Pagtibayin” bilang pagbibigay-diin sa mahalagang papel ng mismong mga barangay at komunidad sa paglaban sa dengue.
Ang aking anak na si Se-nate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay nagsusulong ng mga hakbangin sa dengue problem, partikular sa pamamagitan ng kanyang inihaing Senate Bill number 710 (An Act establishing a medical research facility to search for vaccines for dengue, malaria, yellow fever and other local virus or bacteria-based diseases).