ZTE sinisiyasat din sa America
TOTOO ang kasabihan na hahabulin ka ng iyong mga kasalanan. ‘Yan ang nangyayari sa ZTE Corp., ang ikatlong pinaka-malaking telecoms sa China at ika-lima sa buong mundo.
Sinira ng kumpanyang ZTE ang National Broadband Network program ng Pilipinas nang umano’y suhulan nila si President Gloria Arroyo at asawang Mike Arroyo. Sa “tong-pats” na $70 milyon sa First Couple nu’ng 2007 ibinalato sa kanila ang $329-milyong (P17-bilyong) kontrata para ikonekta sa Internet ang buong gobyerno. Pati Mount Diwalwal gold mines ay ibabalato sana sa ZTE, kundi ko lang in-expose na labag sa Konstitusyon. ‘Yun pala, merong $200 milyong (P10-bilyong) kickback para sa iba’t-ibang broker.
Ngayon, pati sa America ay iimbestigahan ang kumpanya, na ibinunyag kong 51% pag-aari ng mga komu-nistang heneral sa China. Aalamin ng US Congress kung ginagamit ang ZTE para mag-espiya ang komunistang gobyerno ng China sa America. Aalamin din kung ang mga kagamitang telecoms na ibinebenta ng ZTE sa mga kabahayan at opisina sa America ay may kakayahang paralisahin ang buong bansa.
Sangkot din sa eskandalo ang Huawei, na pinaka-malaking telecoms sa China at ikatlo sa mundo. Ang kumpanya namang ito ay pinamumunuan ng mga anak ng matataas ng komunista sa Beijing. Bagamat kalaban ito ng ZTE, hinihinalang maaring may pinsala rin sa America ang operasyon at mga produkto nito.
Nu’ng kainitan ng ZTE exposé, napabalitang nanunuhol din ang kumpanya sa Mexico, Myanmar, South America, Eastern Europe at Central Asia. Pinalayas ang ZTE at Huawei mula sa Algeria, Africa, dahil sa katiwalian.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending