Editoryal - Nasaan na ang 'Anti-Epal Bill'?
MARAMING proyektong isinasagawa ang gobyerno sa kasalukuyan. Pinaka-marami ang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na pagsasaayos ng mga kalsada. Umano’y nasa 50 proyekto ang sabay-sabay na ginawa mula pa noong Mahal na Araw. Binungkal ang mga kalsada at sinimentuhan ng bago, inalis ang mga luma at basag na culvert at pinalitan ng mga mas malalaki, nagsagawa ng pagsasaayos ng mga tulay at overpass at marami pang iba.
Katanggap-tanggap ang mga proyekto sapagkat pakikinabangan ng mamamayan. Pero ang nakakadismaya, hanggang ngayon ay hindi pa natatapos ang mga sinimulang proyekto. Inabutan na ng tag-ulan at pagbubukas ng klase. Nagdulot ng pagbubuhol ng trapiko ang mga sinasagawang pagsasaayos sa mga kalsada.
At mas lalong nakadidismaya ang ginagawa ng mga pulitiko na may hangaring tumakbo sa 2013 elections. Dahil matagal o mabagal ang mga pagsasaayos ng DPWH sa mga kalsada, nagkaroon ng ideya ang mga dupang na pulitiko na angkinin ang proyekto. Walang pangimi kung ipaskel nila ang pangalan sa ginagawang proyekto na aakalaing sila ang nagpagawa niyon. Sa dami ng mga dumadaang motorista, nakikita ang mukha at pangalan ng pulitiko sa ginagawang proyekto ng gobyerno.
Mayroong magpapagawa ng tarpaulin at magtuturo lang ng direksiyon kung saan dadaan, halimba- wa ay “THIS WAY” o kaya naman ay “DETOUR” at sa ilalim niyon ay nakalagay na ang malalaking titik ng pangalan ng pulitiko. Marami pang paraang ginagawa para maangkin ang proyekto na mismong ang taumbayan ang gumastos mula sa kanilang ibinayad na tax.
Kaya nga maraming nagtatanong kung nasaan na ang Senate Bill 1967 o ang tinatawag na “Anti-Epal Bill” na inakda ni Senator Miriam Defensor-Santiago. Bakit daw nawala ang ingay ukol sa panukalang batas na ito. Sa ilalim ng “Anti-Epal Bill” hindi na uubra ang mga dupang na pulitiko na ipaskel ang kanilang pangalan o retrato sa mga proyekto ng gobyerno na ginastusan mula sa buwis ng taumbayan. Tapos na ang maliliga-yang araw ng mga pulitiko na angkinin ang proyekto at saka magpapagawa nang malaking billboard o tarpaulin kung saan ay naroon ang nakangiting mukha.
Ngayong papalapit na ang election, dapat nang maipasa ang “Anti-Epal Bill” para mapigil ang mga dupang na pulitiko.
- Latest
- Trending