'Prankisa'

AMINADO ang Land Transportation and Franchising Re­gulatory Board (LTFRB) na sakit sa ulo nila ang mga manlolokong fixer na nagkalat sa labas ng kanilang tanggapan.

Ang modus ng mga ito, mag-alok ng serbisyo upang mapadali ang proseso, para sa pagkuha ng prankisa ng kanilang biktima!

Isa si Nieves Ramirez sa mga nabiktima ng panlo­lokong ito, kaya lumapit siya sa BITAG upang humingi ng tulong.

Dahil sa kagustuhan ni Aling Nieves na mapadali ang pagkuha niya ng prankisa sa pinag-ipunang van, napagdesisyunan niyang sumali sa Golden Transport Service and Multi-purpose Cooperative.

Isa itong kooperatiba na tutulong kuno sa pagproseso ng kanyang prankisa. Pero lumipas na ang apat na taon, hindi pa rin umuusad ang proseso ng kanyang rehistro!

Kaya naman imbis na kaginhawaan, perwisyo at sama ng loob ang naging dulot nito sa pobreng si Nieves.

Isang nagngangalang Robert Noriega ang itinuturong utak at pinuno ng kooperatiba. Ang boladas ni Noriega, labas-masok siya sa tanggapan ng LTFRB at malakas siya rito!

Kaya naman siguradong ang prankisang alok nito ay abot-kamay agad ng mga kaanib ng kanyang kooperatiba!

Bunga ng pagtitiwala at pag-asa sa mga pangako ng sinalihang kooperatiba. Pikit-matang nagbigay si Aling Nieves ng P50,000!

Upang matulungan si Aling Nieves at matuldukan na ang panloloko ng huwad na kooperatiba, nagsagawa ng imbestigasyon ang grupo ng BITAG sa kaso ng biktima sa pangunguna ng grupo ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Sa opisina ng CIDG pinagplanuhan ang gaganaping entrapment operation sa Chairman ng kooperatiba na si Noriega.

Abangan sa BITAG ang aktuwal na eksena kung paano nakalaboso ang manggagan­tsong Chairman ng pekeng kooperatiba!

Ngayong Biyernes ng gabi, pagkatapos ng Pilipinas News sa TV5!

Show comments