Mga Kampana ng Balangiga: Pagsoli pinag-iisipan muli
MULING pinag-aaralan ng U.S. defense department ang pagsoli sa Pilipinas ng Mga Kampana ng Balangiga. Dahil sa gusot sa relasyon ng Pilipinas at Amerika ang pag-aari ng tatlong kampana, pinlano pero naudlot ang pagsoli nito nu’ng nakaraang dekada. Inuwi ang relics bilang war trophy mula sa simbahan ng bayan ng Ba-langiga, sa Samar, mahigit 110 taon na ang nakalipas.
Dalawa sa mga kampana ang naka-display mahigit isang siglo na sa Fort D.A. Russell, Wyoming. ‘Yun ang base ng U.S. Army 9th Infantry Regiment, na kumuha sa relics mula Pilipinas nu’ng 1901. Ang ikatlong kampana ay binibitbit ng 9th Regiment saan man maistasyon, tulad ng sa Korea nu’ng huling pinag-usapan ng dalawang bansa ang pagsoli.
Inuwi ng 9th Regiment ang mga kampana bilang ganti sa “walang probokasyong atake” ng mga insurektong Pilipino at pagpaslang sa 48 sundalong Amerikano. Umano kinalembang ng mga rebolusyonaryo ang mga kampana bilang hudyat ng paglusob, kaya maaari umano itong gawing war booty. Bukod sa pagpapabulaan sa ilang detalyes ng kasaysayan, itinatatwa ng Pilipinas ang katagang “walang probokasyon.” Ipinaglalaban noon ng mga Pilipino ang kasarinlan. Nalipol na ng Katipunan ang mga kolonyalistang Kastila sa Intramuros nu’ng 1898 nang pumagitna ang Amerika at inagaw ang tagumpay. Sumiklab ang Digmaang Pilipinas-Amerika nu’ng 1899-1902. Sa paglipol sa Samar matapos ang atake sa Balangiga, inutos ng U.S. Army na patayin lahat ng lalaki, pati bata, na kayang magbitbit ng armas.
Para sa 9th Regiment at mga beteranong Amerikano, paglait sa kanilang mga nasawing kasamahan ang pagsoli ng mga kampana. Para sa Pilipinas, ang pagsoli ay pagdakila sa mga nakibaka para sa kalayaan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending