'Baha'
TAG-ULAN na naman at kakambal na yata ng panahong ito ang samu’t saring problema sa ating lipunan.
Nangunguna na rito ang mahigpit na pagpapaalala sa mga kababayan nating mag-ingat lalo na sa usaping pangkalusugan.
Sipon, ubo at trangkaso ang karaniwang tumatama sa mga tao pero bukod pa dito, tumaas rin ang bilang ng mga Pilipinong nagkasakit ng nakamamatay na dengue.
Mula ang sakit na dengue sa kagat ng lamok na kung hindi maaagapan ay maaaring mauwi sa kumplikasyon at humantong sa kamatayan.
Isa sa mga tinitingnang sanhi nito ay ang hindi maresolbang pagbaha sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sumulat sa BITAG ang isang concerned citizen upang manawagan sa patuloy na pagbaha sa Far East Air Transport Incorporated University (FEATI).
Kalakip ng e-mail niya ang mga litrato na nagpapakita ng marumi at binabahang lugar sa mismong unibersidad nila.
Nababahala siya dahil mag-iisang taon na ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin inaaksyunan ng mga nanunungkulan sa FEATI University ang kanilang problema sa sariling kapaligiran.
Narito ang ilang bahagi ng kanyang sulat sa BITAG:
... Mag-iisang taon na po ang lumipas, ganito pa rin po ang itsura ng FEATI. Binabaha po ito kung minsan, mas malala pa po ang mararanasan ng mga estudyante pag baha ang university.
Kung minsan po may mga lumulutang na basura at sa palagay ko ay binabahayan na ito ng mga lamok. Matagal na pong problema ito at hanggang ngayon ay hindi po ito mapaayos ng mga nasa katungkulan. Kawawa naman po ang mga mag-aaral, nagbabayad naman sila ng tama pero hindi mapagawa nang maayos ang unibersidad.
Pakitugunan po agad, lalo na at magpapasukan na sa unibersidad...
Kaya naman tinata-wagan ng pansin ng BITAG ang pamunuan ng FEATI University.
Hindi ba kayo nahihiya sa itsura ng inyong kapaligiran? Bukod sa eye sore, kapupulutan pa ng dumi at iba’t ibang uri ng sakit.
Kilos pronto! Huwag na ninyong hintayin na tumaas pa ang bilang ng mga nagkakasakit o may mamatay pa sa isa sa inyong mga estudyante bago ninyo aksiyunan ang problemang ito.
- Latest
- Trending