Usok

MULA Day 1, marami ang pumuna sa bisyong sigarilyo ni President Noynoy. Para sa akin, isa itong personal choice na dapat respetuhin. Pero kung tinigil niya ang bisyo upang magsilbing halimbawa sa kabataan, magiging siyang higante sa estimasyon ng marami.

Noong Miyerkules (June 6) sa Batasan ay naging higit pa sa higante si P-Noy sa mata nang marami. Ito’y dahil sa makasaysayang pagpasa ng “SIN TAX” reform bill – ang panukalang batas na lalong patataasin ang buwis sa tobacco at alcohol products. Ang resulta nito, siyempre, ay tataas ang presyo ng mga produkto.

Makasaysayan ito dahil matagal nang hindi nakaka­lusot kahit sa committee level ang mga panukalang batas na naglalayong amyendahan ang kasalukuyang mababang rate ng sin taxes. Sa administrasyong Erap at GMA, walang nagawa ang mga tumutulak ng reporma laban sa impluwensya ng tobacco at liquor companies at sa hindi matinag na oposisyon ng mga kongresista ng Northern Alliance kung saan ang tobacco crop ang pangunahing industriya. Kaya nakilala ang Pilipinas bilang bansa kung saan mahahanap ang pinakamurang sigarilyo at alak. Sigurado rin ako na kabilang tayo sa mga bansang may pinakamataas na proporsyon ng sakit sa baga, sa puso at sa atay.

Sa mapusok na pamumuno ni Speaker Feliciano Belmonte, Jr., ang umuusok na P-Noy Express sa House ay hindi lang naipasa sa committee ang panukalang batas kung hindi mismong sa kapulungan ay pinalusot ito sa landslide vote na 210 laban sa 21 with 5 abstentions.

Ang agarang epekto ay kikita ang gobyerno ng P30 billion na gagastusin para sa universal health care (85%) at sa tobacco farmers (15%). Ang mas inantabayanang epekto ay ang mabawasan ang bilang ng mga naninigarilyo at manginginom na hindi na makayanan ang pres­yo ng kanilang bisyo­.

Para sa mga health advocate, mas maganda sana kung sundan ang sin tax bill ng batas sa graphic pictorial warnings sa kaha at bote ng sigarilyo at alak bilang patunay na kalusugan at hindi lang kaperahan ang pakay ng administrasyon.

Para sa akin, at sa mga reader natin tulad ni Egay Agres, ok na ang ipinakita ditong bumubulusok na political will ng adminis­trasyon upang bigyang pag-asa ang lipunang nananalig sa pangakong reporma.

Dahil sa magandang balitang ito, wala na sigurong re­reklamo kahit pa sigaril­yuhin ni P-Noy ang lahat ng sigarilyo sa Pilipinas.

President Benigno C. Aquino III Grade: 98! (100% sana kung sinundan nya ng pagtigil ng paninigarilyo at ng pictorial warning bill)

Show comments