Urong-sulong

IPINAHAYAG ni US Defense secretary Leon Panetta, na sa mga darating na taon, mas lalaki ang kanilang hukbong dagat sa Asia Pacific Region. Sa madaling salita, mas maraming barko ang ipadadala sa rehiyon natin. Naiintindihan nila ang nagaganap na tensyon sa South China Sea (West Philippine Sea), pero wala raw kinalaman ang kanilang kilos na ito sa mga isyu na bumabalot sa nabanggit na karagatan, at hindi rin daw dapat mabahala ang China. Marami silang kaalyado sa rehiyon katulad ng Pilipinas at Taiwan, at handa raw silang tumulong. Pero hindi raw dapat inaasahan ang Amerika na reresbak na lang palagi sa gulo ng mga ibang bansa, katulad ng gulo na nagaganap ngayon sa pag-aangkin ng Scarborough Shoal. Kambiyo! Dapat yung mga magkatunggaling bansa ang nag-uusap para makahanap ng solusyon sa kanilang mga problema. Solusyon kung saan makikinabang ang lahat, at base sa mga kasalukuyang batas at kasunduan. Kambiyo na naman!

Parang urong-sulong naman itong pahayag na ito! Sasabihin na magpapadala ng mas maraming barko de giyera nila sa rehiyon, pero hindi sila dapat asahan kapag nagkagulo na? Ano yun? Dito lang ako, kapatid, pero pag nagkasuntukan na, bahala ka na? Tapos, sa pagdalaw naman ng chairman ng US Military Joint Chiefs of Staff sa bansa, nagsabi na magbibigay ng tulong para magkaroon ng sapat na depensang militar ang Pilipinas, siyempre laban sa China, kahit hindi na binanggit ang bansa. Sana nga.

Marami nang bangka at barko ang China sa Scarborough Shoal. Hindi natin alam ang nagaganap doon, pero sigurado pangmamaton ng China sa mga bangka natin ang nagaganap. Dapat nga makuhanan ng mga video, kahit patago, para makita ng mundo ang pangmamaton ng China! Siguro kung makita ng mundo kung anong nagaganap doon, dahil sigurado hindi naman tayo ang nang-aagrabiyado sa China, baka magbago na ang katayuan ng Amerika, pati na rin ng buong mundo. Kung maraming bansa, kasama ang Japan ang nababahala sa mga kilos ng China sa karagatan, ano ang sinasabi ukol sa China? Masyado naman yatang hinihimas ang Beijing, eh sila na nga ang nagmamalabis sa mga maliliit na bansa sa rehiyon! Dapat siguro manigurado na may langis sa Scarborough, para pumasok na talaga ang Amerika! Sana dumesisyon na ang Amerika nang patapos hinggil sa China at Scarborough Shoal. Mahirap din umasa kung wala naman, di ba?.

Show comments