NGAYON ang kadakilaan ng Santisima Trinidad. Maging si Hesus sa Kanyang huling pamamaalam sa mundong ibabaw ay nagsabi: “Lahat ng kapangyarihan ay ibinigay sa akin sa langit at sa lupa. Humayo kayo ay gawing alagad ko ang sandaigdigan. Binyagan sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.” Isang Diyos na binubuo ng Tatlong Persona.
Kadalasan ay hindi natin lubos na maunawaan ang Misteryong ito ng Diyos. Mauunawaan natin ito kung ihahambing ito sa tatsulok: Isang kabuuan sa tatlong pantay-pantay na sulok. Triangle with three equal angles. Sa kasalukuyan ay marami pa ring ibang relihiyon o pananampalataya na hindi o aayaw maniwala sa panga- ral ng sanka-Kristiyanuhan.
Maging sa Lumang Tipan sa aklat ng Deuteronemo ay ipinahayag sa mga Israelita na mula nang likhain ng Diyos ang daigdig ay nagsalita na Siya sa gitna ng Apoy upang ipahayag ang kadakilaan ng Kanyang paglikha sa sandaigdigan. Maging sa aklat para sa mga Romano ay ipinahayag sa atin na ang pinamumunuan ng Espiritu Santo ay tayong mga anak ng Diyos. Tinanggap natin ang Espiritu na kumupkop sa atin. Kaya’t lagi tayo na nagpupuri: Abba, Ama!
Tayo ang tagapagmana ng Diyos kasama ni Hesus, sinasamahan natin Siya sa Kanyang pagpapakasakit para sa atin. Itinagubilin sa atin ni Hesus: “Ituro sa kanila ang lahat ng bagay na itinuro ko sa inyo at ako’y laging kasama ninyo hanggang sa wakas ng panahon.” Kinalakhan ko na yata na para bang meron akong automatic prayer to the Lord. Sinisimulan ko ito ng panalanging itinuro ni Hesus ang Ama Namin (Lord’s prayer). Sinusundan ito ng Aba Ginoong Maria (Hail Mary) at magtatapos sa Luwalhati sa Ama (Glory to the Father). Ang ating pagkukurus ay isang kalasag sa ating kaligtasan. Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu santo. Amen!
Dt 4:32-34, 39-40; Salmo 33; Rom 8:14-17 at Mt 28:16-20