NGAYON ang ika-50 araw sa Muling Pagkabuhay ni Hesus at “silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu,” Ito ang Pentekostes, ang araw na bumaba ang Espiritu Santo at pagsilang ng Kristiyanismo. Sa liwanag at tulong ng Espiritu Santo ay itinalaga tayo ng Diyos sa mga bagay na dapat nating gawin.
Bukas (Lunes) ang simula ng misyon upang ipalaganap ang Kanyang pagka-Diyos at pagka-tao. Bukas sisimulan ang debosyon sa Espiritu Santo. “Espiritu mo’y suguin, Poon, sana’y ‘yong baguhin”. Ipinaalaala ni Pablo ang iba’t ibang paraan ng ating paglilingkod sa Diyos sa tulong ng Espiritu Santo.
Ang liwanag ng Espiritu Santo ang nag-uugnay sa atin at sa Amang Makapangyarihan. Sa paggising natin sa umaga, purihin ang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo upang liwanagan tayo sa maghapon ng ating buhay. Pagsikat ng araw ay laganap ang biyaya ng Diyos. Tayo’y pinaiinom ng isang Espiritu at hinihingahan ni Hesus at sinabi: “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”
Sa ating patuloy na pananalangin sa Espiritu Santo ay binubuksan ang ating puso’t isipan upang tanggapin ang katotohanan sa ating buhay. Muli nating buuin at patatagin ang ating simbahan, palagi tayong magtipun-tipon at sama-samang magpuri sa Diyos. Idalangin natin kay Hesus na muling ipadala sa atin ang apoy ng Espiritu Santo upang mapawi sa atin ang pangamba at mamayani ang pagkakaisa, pagpapatawaran, pag-ibig at pagpapaunlad ng ating bayan at simbahan. Sumaatin nawa ang kapayapaan!
Gawa 2:1-11; Salmo 104; 1Cor 12:3-13 at Jn 20: 19-23