ISANG kilalang swindler and nahuli ng NBI-RAID sa Parañaque. Pero hindi pa nahuli ang kanyang asawa na hinihinalang kasabwat niya sa panloloko ng ilang mga kilalang kliyente. Ngayon, haharap na siya sa hustisya para sa kanyang panloloko, para lang makakuha ng pera na hindi niya pinaghirapan. Napakaraming biktima ng mga ganitong klaseng tao, hindi lang dito sa Pilipinas kundi pati na rin sa ibang bansa katulad ng Amerika. Isang halimbawa na lang ay si Bernie Madoff, ang arkitekto nang pinaka-malaking panloloko sa kasaysayan ng mundo. Ayon sa mga estimang nakalap, nasa mga $50 bilyon ang napaikot at nalusaw ni Madoff bago mahuli na scam pala ang pinatatakbo at hindi lehitimong negosyo!
Nagsisimula lahat iyan sa katakawan, kasakiman. Marami ang gustong yumaman nang hindi na kailangang magtrabaho. Sabagay, sino naman ang may ayaw ng ganun? Pero sa totoo, walang ganung klaseng paraan para kumita. Kumita nang maayos at ligal ha! Kasi marami rin diyan ang matagumpay na naging mayaman, mga bilyonaryo, dahil lamang sa kanilang posisyon sa lipunan. Haay naku, kung pwede lang sana mahuli lahat iyan! Pero naiiba na ang usapan.
Kaya marami ang naloloko, dahil ang presentasyon ng isang swindler ay malaking balik para sa perang ipapasok mo. Natural, kung malaking halaga ang ipapasok mo sa kanyang sistema, mas malaki ang balik sa iyo na interes. Kaya naman ang madalas mabiktima ay iyong may pera na sa simula. Tila hindi sapat ang kayamanan, kaya ang gusto ay madagdagan pa. Ang hindi nalalaman ng pumasok sa ganitong pamamaraan, ay pera rin niya ang ginagamit para bayaran ang iba pang pumasok sa sistema. At dahil napakaraming perang hawak, nandiyan ang tukso para gumastos nang gumastos, hanggang sa wala nang magamit na pera para takpan ang lahat ng interes na dapat bayaran sa mga pumasok na kapitalista. Diyan na sumasabog, sabay takbo, tago.
Marami nang nasirang buhay ang mga swindler na ito. Kahit mahuli pa sila o mas masama, magpakamatay pa, hindi na maibabalik sa mga mamumuhunan ang mga perang pinasok. Mabuti kung lahat mayayaman, eh hindi naman. Meron diyan, mga simpleng tao, na nilabas ang kanilang ipon sa pag-iisip na mas lalaki pa ang kanilang pera. Ngayon, sira-sira na rin ang mga buhay. Mahuli sana ang lahat ng mga swindler na iyan, at maparusahan sa buong lakas ng batas! At para naman sa lahat, paalala lang, walang mabilis na paraan para kumita, kahit ano pa ang ialok sa inyo! Kung napakadaling kumita, lahat sana ng mamamayan ay mayayaman na!