NU’NG Hunyo 2010 naglunsad sa India ng kilusan sa Internet kontra sa katiwalian. Tinaguriang “I Paid A Bribe (Nanuhol Ako),” hinihikayat nito ang mamamayan na isuplong ang opisyales na nangingikil para gawin ang tungkulin sa gobyerno. Ipinakukuwento ang detalyes ng pangongotong, para maihabla ang mga salarin. Kinukuwenta rin ng kilusan ang nawawaldas na pera sa kickback. Matagumpay ang kilusan sa pakay nito: Bigyang lakas ang maliliit laban sa may kapangyarihan.
Sa Pilipinas, walang humpay ang pagbubunyag ng korapsyon sa gobyerno. Napapatay, sinasaktan ang mga mamamahayag na humuhukay at naglalantad sa kalokohan ng mga tiwali.
Matagumpay din ang investigative journalism sa Pilipinas. Sa survey ng National Statistics Office sa 26,000 pamilya, lumabas na siyam sa bawat sampung Pilipino (90%) ay hindi nanunuhol. Pinaka-marami ang ayaw magpakotong sa Metro Manila, kasunod ay Southern Tagalog.
Sa mga natirang nanuhol, isa sa bawat lima ang hayagang hiningan ng “tong-pats”; apat ang nagbigay miski hindi hinihingan. Naisip ko agad ang traffic aide na nanghihingi ng pera para hindi tiketan ang reckless driver. Naisip ko rin ang jeepney driver na nag-aabot ng pera sa kolektor ng traffic aide, para payagan huminto at magpuno ng pasahero kung saan bawal. Sila ang nanghihingi at nagbibigay ng buwis, dahil parehong nakikinabang sa katiwalian.
Marami pang katulad nila. Nariyan ang illegal sidewalk vendor at ang protektor sa munisipyo, ang city engineer at ang tusong kontratista, ang fire inspector at ang pabayang may-ari ng building, atbp. Maraming nagkakasakit, nasasaktan, at namamatay dahil sa mga asal nila. Kailangan sila ang unang ilantad at ikulong.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com