MARIING dagok kay impeached Chief Justice Renato Corona ang testimonya ni Ombudsman Conchita Carpio Morales. Siya mismo ang nagpa-subpoena kay Carpio Morales bilang hostile witness. Hindi niya akalaing ilalahad nito ang nakuhang papeles sa Anti-Money Launde-ring Council. Nalantad na meron si Corona umanong $12 milyon (P512 milyon) na sariwang deposito, mula sa 705 transaksiyones sa 82 accounts sa maraming branches ng limang bangko.
Mapipilitan tuloy si Corona na mismong tumestigo ngayong araw. Siya lang ang maaaring magpaliwanag sa umano’y tagong yaman. Pero habang naghahanda si Corona nang isang linggo para tumestigo, kung anu-anong kuwestiyon ang lumilitaw para manligaw at maglihis sa isyu.
Isa diyan ang umano’y labis na kapangyarihan ng Ombudsman na mag-imbestiga ng sinumang opis-yales. Inusisa si Carpio-Morales ni Sen. Miriam Santiago, isang dating huwes, kung paano ito nakakuha ng datos sa AMLC. Maari lang daw magbigay ng impor-masyon ang ahensiya ukol sa dollar accounts kung may utos ang korte. Ito’y dahil, ayon sa Foreign Currency Deposits Act, korte lang at ang may-ari ng account ang maaring magpasuri sa nilalaman nito.
Simple ang sagot ni Carpio-Morales, na ikinagalit ng nasupalpal na si Santiago. Una, aniya, merong waiver ang mga opisyales sa taunang sinumpaang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth. Pinahihintulutan nila ang Ombudsman na humalukay ng opisyal na dokumento sa mga ahensiya, lalo na sa BIR, para maberipika ang nilalaman ng SALNs. Ikalawa, saad ng kataas-taasang Saligang Batas na maaring mag-imbesti-ga ang Ombudsman ng sinumang opisyal sa hinalang katiwalian.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com