FOUNDER si Don Winner ng Panama-Guide.com, ang pinaka-malawak na Internet news service sa Panama sa wikang Ingles. Kaya tinutukan niya ang balita ukol kay Panamanian diplomat Erick Shcks Baimals, na umano’y nanggahasa ng 19-anyos na Pilipina sa Maynila kamakailan. Pumuslit paalis ng Pilipinas si Shcks nu’ng makalawang Biyernes, at nang dumating sa Panama City ay sinisante ng kanyang gobyerno. Bahala na raw siya dumepensa ng sarili, anang kanilang Foreign Ministry at ng Panama Maritime Authority na pinagtatrabahuhan niya. Pinabulaanan ng mga ahensiya na sinuway nila ang hustisya sa Pilipinas nang igiit nila ang diplomatic immunity para hindi maisakdal si Shcks.
May karugtong na komentaryo ang Panama-Guide news item. Nagsaad ito ng lungkot na humirit ng diplomatic immunity ang Panama, tapos sinamahan ng ambassador si Shcks makaalis ng Maynila, at saka lang ito tinanggalan ng posisyon na nagkakaloob ng immunity. E wala namang extradition treaty ang Pilipinas at Panama. Panghihinayang ang wakas ng editoryal: nagkaroon ng pagkakataon ang mga ahensiya, pero hindi nila ginawa ang tama.
Hindi lang ang Panama ang nag-aksaya ng pagkakataon na gumawa ng tama. Gay’un din ang Pilipinas, lalo na ang Department of Foreign Affairs at ang Department of Justice. Nang isinakdal nang rape ng biktima si Shcks, agad sinabi ng DFA na may diplomatic immunity ang Panamanian. At batay naman dito ay iniatras ng DOJ ang demanda sa korte.
Mali ang pag-intindi nila sa diplomatic immunity. Ginagamit lang ito para pabilisin at pagaangin ang official functions ng diplomats. Ang panggagahasa ay hindi official function. Dapat nilitis agad ang salarin.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com