^

PSN Opinyon

'Tsansingero(?)' (unang bahagi)

- Tony Calvento -

MAGLAWAY KA hanggang gusto mo sa hita ng babaeng makinis lalo na’t nakasuot ito ng maigsing shorts. Ingat lang baka di mo mamalayan dugo na pala ang lumalabas sa bibig mo!

Lumusob ang isang maputi’t matangkad na lalake sabay sabing, “Hoy bakit mo binabastos ang asawa ko!?”

Magpapaliwanag pa sana ang isang binata subalit napaurong ang dila nang makita niyang lumulusob sa kanya ang mahigit sa sandosenang lalake.

“Ito ba? Minamanyak ka ba nito?” tanong ng lalake sa babaeng nakaupo…maganda at naka-maigsing shorts…kitang-kita ang kanyang maputi at makinis na mga hita.

Nagsadya sa aming tanggapan si Joren Sanarias, 26 na taong gulang ng Marikina Heights. Ang umano’y nambastos.

Putok ang bibig at ulo…puro ‘black eye’ ang inabot nitong si Joren matapos pupugin ng asawa umano ng babaeng kanyang pinormahan at mga kalaro nito. Siya si Jonathan Ignacio taga-Parang, Marikina.

Ika-8 ng Hulyo 2010, bandang 3:00 ng hapon, pumunta sa Gem Court si Joren sa Parang, katabing barangay para mag-basketball.

“Kaka-endo (end of contract) ko lang nun sa Rusty Lopez bilang ‘stockman’. Nainip ako sa bahay kakaantay ng tawag ng inapplayan ko. Naisip kong puntahan ang kaibigan kong si Jeff sa Court,” sabi ni Joren.

Sakay ng kanyang ‘mountain bike’ pumunta siya sa Gem Court. Wala dun si Jeff. Naki-‘shooting’ na lang siya sa mga naglalarong tambay sa Court.

Biglang tumalbog ang bola papunta sa babaeng noo’y nananood sa gilid ng court. Hinabol ni Joren ang bola para kunin.

Ayon sa kanya, nagulat na lang siya nang biglang lumapit sa kanya ang maputing lalakeng nakilala niyang si Jonathan. Sinita siya umano nito, “Hoy! Bakit mo binabastos ang syota ko? Nakita ko hinipuan mo.”

Sagot ni Joren, “Hindi ko naman binastos yan pre!” sabay turo sa babae.

Umiling daw ang babae na parang sinasabing, “Hindi niya ko binastos.”

Ilang saglit sumunod ang labing-apat pang malalaking mga lala­king kalaro nitong si Jonathan. Inambahan siya ng suntok ni Jonathan. Napaatras si Joren.

Mas natakot si Joren nang makita ang kasama ni Jonathan na kulay dilaw ang buhok na may dalang patalim.

“Bahagya niyang inangat ang damit niya tapos ipinakita niya ang kitchen knife na nakaipit sa kanyang short,” kwento ni Joren.

Sa takot ni Joren nanakbo siya palayo. Hinabol siya ng mga ito. Naiwan na niya ang bike sa kagustuhang iligtas ang sarilli.

Napunta siya sa isang bigasan malapit sa court at doon nagtago. Nag-abang ang mga lalake sa labas ng bigasan. Hindi siya pwedeng magtagal sa tindahan baka doon magkagulo. Walang ibang paraan si Joren kundi lumabas at bilisan ang pagtakbo. “Kung nakuha ko lang ang bike ko kanina ko pa sila natakasan,” isip-isip ni Joren.

Naghabulan sila Joren, Jonathan at mga kasama. Isa laban sa labing lima. Sa takot ni Joren hindi na siya makatakbo ng mabilis. Nanigas ang kanyang mga tuhod naabutan siya nila Jonathan sa tapat ng isang ‘nursery school’.

Pinalibutan si Joren at kinuyog. Sinapak siya ni Jonathan. Iba’t ibang kamao ang tumama sa kanya. Hindi na siya nanlaban. Hindi niya kaya!

“Alam kong tutuluyan ako ng mga ito!” sabi ni Joren.

Pinalo siya ni Jonathan ng bote ng ‘coke sakto’ sa likod ng kanyang ulo, sa kanan gawing ibaba. Hindi pa rin siya tinantanan ng grupo ni Jonathan.

Mahigpit na hinawakan ni Jonathan ang nguso ng bote ng coke na basag. Isasaksak na daw dapat nito ang bote sa kanyang leeg nang awatin sila ng isang sigaw. “Itigil niyo yan!” hiyaw ng isang tanod.

Mabilis na dinampot itong si Jonathan ng tanod. Ang mga kasama naman ay kanya-kanya nang pulasan.

Sinugod si Joren sa pinakamalapit na pagamutan. Sa Amang Rodriguez Hospital. Kinailangang tahiin ang pumutok niyang ulo.

Nanatili ang suspek na si Jonathan at dun nagreklamo naman ang babaeng binastos umano ni Joren na kinilalang si Shaby Franco, 20 taong gulang.

Batay sa blotter report ni Shaby na ibinigay sa ‘desk officer’ na si barangay tanod Jake Gaba, “bandang 4:00 ng hapon ng nasabing petsa lumapit itong si Joren at tinanong siya kung pwedeng manligaw? Umurong si Shaby subalit hinipuan siya ni Joren. Nakita ng kanyang asawa ang panghihipo at ilang sandali ay nilapitan at kinuyog na siya nila Jonathan, Alyas Talahilo, Alyas Tirik”.

Tinanggi naman ni Joren ang lahat ng ito. Giit niya wala daw panghihipong nangyari.

Base naman sa Sinumpaang salaysay ni Joren na kanyang ibinigay sa tanggapan ng Marikina Police City Police Station, ika-15 ng Hulyo 2010 kay PO2 Rex B. Baldovieso sa harap nina PO2 Nelson G. Cruz at iba pang saksi. Pumunta siya ng Gem Basketball Court sakay ng kanyang bike at meron siyang nakasalubong na babae.

Tinanong niya ito kung pwedeng manligaw. Sumagot ang ina ng babae,

“Hindi na pwede may boyfriend na ang anak ko.”  Kaya dumiresto na siya sa basketball court at sumali sa mga nagso-shooting ng bola. Hinabol niya ang bola at napadako sa upuan sa gawing kaliwa ng court kung saan may nakaupong babae na nanonood.

Ang babaeng yun pala ay may kasamang lalake na nagngangalang Jonathan Ignacio na naglalaro dun ng basketball. Bigla siyang inambahan ng suntok at sinabing binabastos niya ang kanyang girlfriend. Pinaliwanag ni Joren ang nangyari. Nagalit si Jonathan. Dun na daw nangyari ang pambubugbog sa kanya.

Nagsampa ng kasong Frustrated Homicide si Joren laban kay Jonathan sa Prosecutor’s Office ng Marikina City.

Nagkaroon ng pagdinig ang kaso, nailabas ang resolusyon ng taga–usig na si Prosecutor III Alfredo I. Barcelona, Jr. Pinalitan ang kaso na Attempted Homicide.

Ika-23 ng Hunyo 2011, naglabas ng Order of Arrest para kay Jonathan Ignacio sa kasong Attempted Homicide ni Judge Nestor Gapuzan ng Branch 75, MTC, Marikina.               

Hindi dito natapos ang laban nila Joren at Jonathan sa Korte. Kinasuhan naman siya ni Shabby dahil sa umano’y panghihipong ginawa nitong si Jonathan

Ang panig nila Jonathan… ABANGAN… sa LUNES… EKS­KLUSIBO dito lang sa ‘CALVENTO FILES sa PSNGAYON’.

(KINALAP ni Monique Cristobal) Sa mga gustong dumulog sa amin maari kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming landline ay 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Address 5th floor City State Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

* * *

Follow us on twitter: Email: [email protected]

vuukle comment

JONATHAN

JONATHAN IGNACIO

JOREN

KANYANG

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with