KAMAKAILAN ay inilabas ng CNN Travel Guide ang kanilang survey ukol sa mga airport sa maraming bansa at lumabas na ang Ninoy Aquino International Airport ay isa sa mga pinaka-worst ang serbisyo sa mga paalis at paparating na pasahero. Noon pa, una nang nabatikos ang masamang comfort room, mabagal na paglabas ng mga bagahe, mahabang pila sa counter at kawalan ng kasanayan ng mga security personnel.
Kamakalawa, napatunayan ang kapalpakan ng security sa NAIA 3 makaraang magkagulo sa pagitan ng columnist na si Ramon Tulfo at actor Raymart Santiago kasama ang asawang si Claudine. Nagsimula ang gulo nang i-video ni Tulfo si Claudine habang kinukumpronta ang isang tauhan ng airline dahil sa bagahe na hindi nadala. Galing umano sa Boracay sina Claudine samantalang sa Davao naman si Tulfo. Pilit na kinukuha ni Raymart ang videophone ni Tulfo pero ayaw nitong ibigay. Kasunod noon ang pagkakagulo. Pinagtulungang suntukin si Tulfo ng umano’y anim na kalalakihan. Nagtamo ng mga pasa sa mukha si Tulfo at si Claudine naman ay may bakas ng dugo sa hita dahil sa pagkakasipa umano ng kolumnista.
Nakunan ng video ang pagkakagulo. Nakunan din ang mga security personnel na walang ginawa. Nakatingin lamang ang mga guwardiya habang patuloy ang sapakan. Kung ganito ang klase ng security na nasa NAIA, hindi malayo na may mangyari pang masama sa hinaharap. Walang kakayahan ang mga security guard kung paano sasawatain ang mga nagkakagulo. Pinagmamasdan lamang nila ang mga nangyayari. Hindi agad nila na-prevent ang pagsisimula ng gulo. Nagkulang ang security na isa pa naman sa mahalagang dapat ipatupad sa airport.
Malaki na ang nagagastos ng Department of Tourism para sa kampanya sa turismo ng bansa. Paano maaakit ang mga turista kung mismong sa airport ay hindi na mapangalagaan ang mga paparating na turista o maski ang mga kababayang magbabakasyon. Isailalim sa training ang mga sekyu ng NAIA 3.