EDITORYAL - Bagong lamok na may dengue
PAPARATING na ang tag-ulan. Palatandaan na ang pag-ulan tuwing hapon. Kamakalawa ay umulan nang napakalakas sa maraming bahagi ng Metro Manila na nagdulot ng pagbaha sa ilang lugar sa Maynila. Kahapon ay muling bumuhos ang ulan at nagdulot uli ng pagbaha. Bagamat hindi pa gaanong problema ang baha sapagkat karaniwang ulan lamang ang bumabagsak, ang isang kinatatakutan ngayon ay ang paglipana ng isang klase ng lamok na umano’y mas mabagsik kung maghatid ng dengue.
Ayon sa Philippine Association of Entomologists (PAE), ang bagong lamok na nagdudulot ng dengue ay ang Aedes Albopictus. Kung ang isang klase ng lamok, ang Aedes Aegypti ay sa araw nangangagat at naghahatid ng dengue, kabaliktaran naman ang Aedes Albopictus sapagkat sa gabi ito umaatake. Mas mahirap itong kalaban sapagkat hindi agad malalaman kung saan nanggagaling. Malalaman lamang kapag nakaramdam ng pangangati sa dakong kinagat na bahagi.
Sa isang pag-aaral na isinagawa ng University of the Philippines-Los Baños, nangangagat ang Aedes Albopictus kung alas-singko ng gabi hanggang alas-otso at muling aatake ng alas-onse hanggang ala-una ng madaling-araw. Pinaniniwalaang nagpupugad ang Aedes Albopictus sa magubat na bahagi ng Mt. Makiling.
Ngayong papalapit na ang tag-ulan, inaasahang tataas na naman ang bilang ng mga nagkakadengue. Mapupuno na naman ng tubig ang mga pinagbabahayan ng mga lamok gaya ng basyong bote at lata, goma, mga paso at marami pang iba. Maski ang mga timba at palanggana na may nakaistak na tubig ay maaaring pangitlugan ng mga lamok na may dengue.
Ang paglilinis ng kapaligiran ang numero unong solusyon upang huwag kumalat ang mga lamok na may dengue. Wasakin ang posibleng tirahan. Linisin ang bahay. Alisin ang mga nakasabit na damit sa mga madidilim na sulok ng bahay. Kapag may nakitang sintomas ng dengue gaya nang lagnat na umabot ng pitong araw, kumunsulta sa doctor.
Maaaring labanan at iwasan ang dengue.
- Latest
- Trending















