10 million dollar question
MAARI bang panagutin ang isang impeachable official sa labas ng Kongreso sa krimen na ang parusa ay pagkatanggal din sa puwesto? Kung si Ombudsman Conchita Carpio Morales ang tanungin, malinaw na OO. Kaya nga wala itong pakundangang pinahaharap at pinasasagot si Chief Justice Renato C. Corona sa tanggapan ng Ombudsman para mapaliwanag ang hindi mapaliwanag na $10 million dollars deposit.
Subalit kung ang Supreme Court ang tatanungin, matagal nang nasagot ang isyung ito. Sa kasong In Re Gonzales noong 1988, pinadalhan ng noo’y Tanodbayan na si Raul Gonzales si Associate Justice (naging Chief Justice) Marcelo Fernan ng kopya ng reklamo (anonymous letter) laban sa kanya. Siempre’y tumangging sumagot si Justice Fernan. Namagitan ang Supreme Court at ipinaliwanag na ang impeachable official ay hindi maaring isakdal sa reklamong may kaparusahang removal o pagtanggal sa puwesto. Kapag pinayagan ito ay para na ring sinalaula ang malinaw na utos ng Saligang Batas na ang mga impeachable official ay maari lamang matanggal sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment process.
Ayon sa buong hukuman, importanteng pangatawa-nan ang probisyong ito at kung hindi’y magiging bukas sa lahat ng uri ng paratang ang mga mahistrado mula sa mga talunang partido o abogado o sa anumang dahilan. Maaapektuhan ang awtoridad ng Hukuman.
Sa kabila nito’y pilit pa ring tinutuloy ni Ombudsman Carpio Morales ang kanyang imbestigasyon at dala nito’y nabulatlat na naman sa lipunan ang mga pondo ni CJ na mahirap nga mapaliwanag. Tanggap daw nitong bawal isakdal ang impeachable official gaya ni CJ sa ibang ahensya sa labas ng Impeachment process.
Ang intensyon daw niya ay ang maibigay ang kanilang findings sa Kongreso na siyang papasiya ng kung ano ang tamang kasunod na hakbang.
Ang resolusyon ng isyung ito ay babagsak sa kung ano ang kapangyarihan o papel ng Ombudsman at ang partisipasyon nito sa impeachment process. Kapag hindi naipaliwanag kung bakit pilit pinakukumpronta ang nililitis nang Chief Justice sa isa pang kasabay na akusasyon sa ibang venue, masisisi ba ang tao kung isiping persecution na ang nagaganap sa halip na prosecution?
- Latest
- Trending