EDITORYAL - Proteksiyunan ang mga manggagawa
KUNG walang mga manggagawa, hindi susulong ang bansa. Hindi gagalaw ang ekonomiya at walang pag-unlad kung wala ang mga manggagawa. Kahit pa makaimbento pa ng mga robot na maaaring gawin ang ginagawa ng manggagawa, hindi pa rin makatitiyak kung makakatulong sila nang sapat. Maaaring masira ang robot pero ang mga tunay na manggagawa na may puso’t damdamin ay patuloy na maglilingkod. Patuloy silang magpapatulo ng pawis para magampanan ang tungkulin.
Ngayong araw na ito ay ika-110th Labor Day. Matagal na ring ginunita ang Labor Day sa halos lahat ng bansa sa buong mundo. Dito sa Pilipinas, nakaugalian nang sa araw na ito idaos ang pagtitipon ng mga manggagawa na kadalasang ginagawa sa Liwasang Bonifacio sa Maynila at sa Monumento sa Caloocan City. Si Andres Bonifacio na isang anak-pawis ang naging simbolo ng mga manggagawang Pinoy. Hindi magiging makabuluhan ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa kundi magkakaroon ng mga pagrarali, pagtitipon at mga programa na may kinalaman sa mga manggagawa. Tiyak na isisigaw ng mga rallyist ang dagdag na sahod. Tiyak na may susunuging effigy ni President Aquino. Noon pa, sa tuwing ipinagdiriwang ang Araw ng Paggawa ay may sinusunog na effigy ng presidente. Pero kahit na gaano pa karami ang sinunog na effigy, wala ring pagbabago sa lagay ng mga manggagawa.
Sa kasalukuyan, batbat ng hirap ang mga karaniwang manggagawa sapagkat walang tigil ang pagtaas ng presyo ng petroleum products. Nagbabawas nga ng presyo ang oil companies pero napakaliit. Kapag nagtaas naman ng presyo ay napakalaki kaya balewala ang 50 sentimos na ibinabawas sa presyo.
Walang ipinangako ang pamahalaan sa umento para sa manggagawa. Ang tiyak ay ang dagdag na suweldo sa government workers. Inihayag na ni President Aquino ang dagdag sa suweldo ng government workers.
Paano ang iba pa na masyadong nahihirapan at hindi na mapagkasya ang sinusuweldo? Kapit sa patalim na.
Dagdag na suweldo at proteksiyon ang kaila-ngan ng mga manggagawa. Maraming employer ang nagsasamantala sa mga manggagawa sa pamamagitan ng hindi pagbabayad sa overtime, laging atrasado ang suweldo at may sinisibak sa puwesto nang illegal. Proteksiyunan ang manggagawa sa mga mapang-abusong employer.
- Latest
- Trending