Taong 2011 nang mailathala sa kolum na ito ang lantarang pandurukot at prostitusyon sa Pasay- Rotonda.
Naging maingay at mainit din ang pagtangkilik ng mga tagasubaybay ng BITAG sa episode namin na inere sa telebisyon.
Ilang araw rin itong minanmanan ng aming grupo para kumpirmahin kung positibo nga sa mga iligal at masasamang gawain ang nasabing lugar.
Malayo pa lamang, tanaw na ang modus ng mga putok sa buhong mandurukot na nagkalat sa lugar.
Kaya naman matapos makasiguro, kilos prontong nakipag-ugnayan ang BITAG sa Regional Police Intelligence and Operations Unit upang agad itong maaksiyunan.
Subalit nitong nakaraang Huwebes lamang, nakatanggap ang BITAG ng isang e-mail mula mismo sa isa sa mga residente ng Pasay Rotonda.
Narito ang kabuuan ng kanyang sulat sa BITAG:
Magandang araw po sa butihing tanggapan ng Bitag.
Nais ko pong humingi ng tulong sa inyo ukol sa lumalalang pandurukot sa aming lugar. Ako po ay nakatira sa Pasay Rotonda. Naipalabas na po dito sa Bitag ang kaso ng pandurukot dito sa aming lugar nuong nakaraang taon. Tuwang tuwa po ako ng mapanuod ko iyon dahil sa wakas mawawala na rin ang mga gro at mandurukot sa aming lugar. Sa kasamaang palad,lalo pa po silang dumami at lalo rin pong dumami ang kaso ng pandurukot dito. Humihiling po ako na muli ninyong imbestigahan ang aming lugar. — Maraming salamat po.
Totoong nagkalat ang mga dorobo sa lipunan lalo na dito sa ating bansa at kahit ano mang pilit natin itong sugpuin, may mga matitigas ang ulo pa ring hindi tumitigil sa kanilang mga masasamang gawain.
Tulad na lamang ng mga pasaway na mandurukot diyan sa Pasay Rotonda. Huwag ninyong hintayin na muli akong dumalaw sa inyo.
Tandaan ang mga tips na ito para maiwasan mong maging biktima ng mga mandurukot:
Una, siguraduhing mala- pit sa iyong bag. Kung nakaback-pack naman, mas ma-kabubuti kung suotin ito sa harap para hindi masalisihan.
Pangalawa, huwag mag-display ng mga mamahaling alahas o gadgets habang nasa mataong lugar.
Pangatlo, huwag maglabas ng malaking halaga ng pera kung ayaw mong maging target ng mga dorobong ito.
Kaya sa mga pasaway na mandurukot sa Pasay Ro tonda, markado na kayo ng BITAG. Hindi kami mangingiming muling imbitahan sa presinto ang mga suspek na maiispatan namin!