TUWANG-tuwa ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita sa Tarlac nang ibaba ang pasya ng Korte Suprema na dapat nang ipamahagi ng buong-buo ang hacienda sa mga magsasaka. Kasama sa pumirma sa desisyon ay ang impeached SC Chief Justice Renato Corona.
Nangangamba si Corona na baka lalu siyang dikdikin sa isinasagawang trial sa kanyang kaso ng Senado na aarya na naman sa Lunes dahil sa nangyari. Sana huwag naman. Mayorya kasi ng mga mahistrado ng SC ang pumirma, pati yung mga sinasabing “malapit” kay Presidente Aquino.
Labing-apat ang kumatig at wala ni isang tumutol sa total distribution. Ibig kong sabihin, kahit pa nag-inhibit sa pagbuo ng desisyon si Corona o kaya’y bumoto ng pabor sa mga Cojuangco-Aquino, magsasaka pa rin ang panalo sa dami ng mga justices na lumagda sa desisyon.
Kung pumuntos man si Corona sa nangyaring ito, ito’y sa mga magsasaka ng Hacienda na matagal nang umaasang mapapasakanila ang lupang tubuhan na kanilang sinasaka. Beinte singko anyos nang nakikipaglaban ang mga magsasaka para maging may-ari ng lupaing ito. At kung nagbubunyi ang mga farmers, siyempre may lungkot sa puso ng mga may-ari ng lupain na mga kaanak ng ating Presidente Aquino.
Anim na libong magsasaka ang mabibiyayaan ka-pag ipinamahagi na ang malawak na lupain. Yung iba’y matatanda na. Napanood ko sa TV ang kanilang pagluha at pasasalamat sa Korte Suprema dahil anila’y “may maipamamana na kami sa aming mga anak”.
Sa pangyayaring ito, napatunayan natin na malaya pa rin ang ating hudikatura na napakaha-laga sa isang buhay na demokraysa. Malinaw nating nakita na basta sa tama, wala ni isang pumigil sa ganap na distribusyon ng lupain kahit pa isa sa mga nagmamay-ari ay ang Presidente mismo ng Pilipinas.
Lahat ay nakaabang na naman ngayon sa naudlot na “tele-nobela.” Sabi ng ilang tagamasid, huwag na sanang magbenggansa si P-Noy kay Corona para huwag lumikha ng impresyong sinusupil ang demokrasya.
Ang sa akin naman, ano mang hatol kay Corona ay ibatay sana sa merito at hindi impluwensya ng kung sino man.