Hiranging National Artist si Dolphy
DAPAT nang hiranging National Artist si comedy king Dolphy.
Ito ang paniniwala namin ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada kaugnay ng pagbubukas sa darating na Hunyo ng proseso sa pagpili ng mga panibagong gagawaran ng nasabing parangal.
Ang National Artist award ay opisyal na pagkilala ng Pilipinas sa mga kababayan natin na may katangi-tanging kontribusyon sa pag-unlad ng pambansang sining sa mga kategoryang Music, Dance, Theater, Visual Arts, Literature, Film and Broadcast Arts, at Architecture.
Ang proseso ay kinapapalooban ng pagsusumite ng mga kinauukulang sektor o grupo ng kanilang nominado para sa parangal; screening at aktuwal na pagpili ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Cultural Center of the Philippines (CCP) mula sa hanay ng mga nominado; pag-isyu ng Presidential Proclamation; at ang pormal na paggawad ng presidente sa mga hihiranging National Artist.
Marami tayong kababayan, partikular mula sa industriya ng pelikula, ang karapat-dapat sa naturang para-ngal, pero nangunguna rito si Dolphy. Ayon kay Jinggoy, “Maraming haligi ng pelikulang Pilipino, nandyan sina Erap, FPJ, Nora Aunor at Vilma Santos. Sila ay deserving naman lahat na maging National Artist pero sa case ni Dolphy, nag-iisa lang siya. Kahit dun sa mga contemporaries niya, naiiba siya. Siya lang ang naghahari sa comedy noong araw and up to now, wala pang nakapapantay sa mga natamo niyang tagumpay.”
Bukod sa kanyang di-matutumbasang naiambag sa pag-unlad ng industriya ng pelikula at telebisyon ay talaga namang nagdulot siya ng malaking kasiyahan sa maraming henerasyon ng mga Pilipino. Karapat-dapat siyang National Artist.
* * *
Birthday greetings: Bishop Elenito Galido ng Iligan (April 18) at Mayor Joel Jaime Payumo ng Dinalupihan, Bataan (April 21).
- Latest
- Trending