Mali kung alisin siya sa Comelec

ANO ba ang mas mahalaga sa daang matuwid, malinis na hudikatura o halalan? Naitanong ‘yan marahil ni President Noynoy Aquino sa sarili nang magkuli sa pag-reappoint kay election commissioner Gus Lagman.

Matagal nang repormista sa halalan si Lagman, bilang opisyal ng Namfrel. Niluklok siya ni P-Noy sa Come­lec dahil sa adhikaing ayusin ang sistema sa eleksiyon. Information-technologist pa si Lagman, na makakapag-automate nang tama sa voters’ list, botohan at bilangan.

Problema lang, galit si Senate President Juan Ponce Enrile kay Lagman. Suspetsa nito na nag-trending ang Namfrel nu’ng senatorial election ng 1987 para sa 24 na kandidato ni President Cory Aquino, ina ni P-Noy. Bilang chairman ng Congress Commission on Appointments, kayang-kaya ni Enrile ipa-reject si Lagman.

Nais ni Lagman pabulaanan ang mga paratang. Ipapakita niya na imposibleng mandaya, nanalo nga sina oposisyong Enrile at Erap Estrada, at itinaguyod ng Comelec ang Namfrel quick-count. Hindi kinuwestiyon noon sina Comelec chief Ramon Felipe Jr. at commissioners Haydee Yorac at Dario Rama na nangasiwa sa quick-count ng Namfrel.

Mailalahad lang ni Lagman lahat ito kung ire-reappoint siya ni P-Noy upang sumumpa sa harap ng CA. Pero batay sa mga ulat, ayaw galitin ni P-Noy si Enrile, na presiding officer din ng Senate jury sa paglilitis ni impeached Chief Justice Renato Corona. Kailangan ni P-Noy ng boto ng 16 sa 23 senador para mapatalsik si Corona na, sa palagay niya, ay puno’t dulo ng kabulukan sa hudikatura.

Sa pagpili ni P-Noy ng paglilinis sa hudikatura o halalan, may pangatlong dumi sa pulitika na lumilitaw:      

Ang horse-trading ng  tao at prinsipyo para pakal­mahin ang mga panandaliang kaalyado.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

           

Show comments