^

PSN Opinyon

'Pahipo naman... Pahimas na lang'

- Tony Calvento -

May mga hinalang pinagmumulan ng himala. Mga pangyayaring tumatahi ng kwento at nagbibigay ng linaw sa tunay na kinasidlang gulo.

Si Merlene Belnas, 38 taong gulang ang lumapit sa aming tanggapan. Humihingi siya ng tulong para mabigyan ng ‘hustisya’ ang ayon sa kanyang hindi makatarungang pagkakakulong ng kanyang kapatid na si Arnel “Tisoy” Boncag, 45 taong gulang.

Si Tisoy ay isang ‘cigarette vendor’ at ‘dispatcher’ sa terminal ng bus.

Feb. 26, 2012 mga bandang alas kwatro ng hapon nang tumawag sa kanya ang tiyahin na si Helna Boncag.

“Hinuli si Arnel sa terminal habang nagtatrabaho,”sabi sa kanya.

“Bakit inaresto?” tanong ni Merlene sa kanyang tiyahin.

“May nagreklamo na bata,” sagot ni Helna.

Nang hapon ring yun ay nagsadya sila sa ‘Pontevedra Police Station’. Nakaharap nila si Shelly Mar Salle ang ina ng batang nagreklamo. Hindi hinayaan ng ina na makausap nina Helna ang batang babae na itago natin sa pangalang ‘Marie’.

 Si Marie ay 14 anyos. Nakatira sa San Agustin, La Carlota, Negros Occidental.

Ayon sa reklamo ni Marie, noong Feb. 26, 2012, mga alas-dos ng hapon, nakaupo at naghihintay siya sa ‘bus stop’ sa Barangay I, Pontevedra, Negros Occidental. May lalaking umupo sa kanyang tabi. Nakilala niya ito kalaunan na si Arnel Boncag. “Anong trabaho ng nanay mo?” tanong umano ni Arnel.

“Gumagawa po ng hollow blocks,” sagot niya.

Biglang hinawakan umano ni Arnel ang kamay ni Marie. Nagkatitigan sila at medyo ninerbyos itong dalagita. Natakot na siya ng lubusan nang himas-himasin nito ang kanyang hita na gumagapang paitaas.

Tumayo ito para maiwasan si Arnel pero hinawakan nito ang puwetan niya.

Biglang natigil lamang ito nang dumating ang kanyang kaklase. Ikinuwento niya ang umano’y ginawa ni Arnel.

Sinamahan siya nito hanggang dumating ang bus at agad na siyang sumakay pauwi ng kanilang bahay. Ikinwento ni Marie sa kanyang ina at agad silang nagpunta sa estasyon ng pulis sa Negros.

Ayon naman sa tiyahin ni Arnel, hindi umano ito kinapanayam ng pulis at basta na lamang gumawa ng reklamo laban sa kanya.

“Hindi nila ininterview yung kapatid ko. Mali-mali naman ang nakalagay dun. Married daw siya e single naman yun,” sabi ni Merlene.

Gumawa rin ng kontra salaysay si Arnel. Nakasaad dun na nung Feb. 26, 2012 mga bandang 12:30 ng hapon habang naghihintay siya ng pagdating ng bus kasama ang ilang mga pasahero.

May batang babae na lumapit sa kanya. Nagtatanong kung may bus bang paparating. Uuwi pa kasi ito ng La Carlota. Maraming mga pasahero nung panahong yun.

Basa umano ang damit ni Marie dahil sa ulan.

“Magpalit ka agad ng damit baka ka magkasakit,” sabi umano ni

Arnel kay Marie sabay tapik sa basa nitong balikat.

Kumuha umano siya ng tricycle dahil sinabi ni Marie na may kailangan siyang daanan kung saan naghihintay ang kanyang mga kaklase. Agad umalis ang sinasakyan nito na hindi man lamang nagpasalamat sa kanya.

Nasorpresa na lang siya ng bandang 2:00 ng hapon may dumating na naka-unipormeng pulis na nagpakilalang sina PO2 Judesses Catalogo at PO1 Sunny Bantigue. Inaresto siya at nang magtanong ito sumagot silang, “Sa presinto ka na lang magpaliwanag”..

Sa ‘police station’ nakita niya ang isang batang babae kasama ang ina nito. “Siya ba?” tanong ng pulis. Hindi makasagot si Marie na parang hindi maalala ang itsura. Umiling ang bata nang pisilin ng babaeng katabi ang kamay nito. Nagkatinginan ang mga pulis at ang babaeng katabi ng batang nagrereklamo. Ang lahat ng mga detalyeng ito ay batay sa kwento sa amin ni Merlene.

Hindi na nila pinakawalan itong si Arnel at dineretso sa prosecutors office para ma-inquest.

Ayon sa ‘Inquest resolution’ na pirmado ni 4th Assistant Prosecutor Edgar B. Baylin at aprubado ni 1st Assistant Provincial Prosecutor Elmira P. Maglasang, matapos mapag-aralan ang legalidad ng pag-aresto sa akusado ay maayos siyang dumaan sa proseso ng ‘warrantless arrest’. Tinanong siya kung sasailalim si Arnel sa ‘preliminary investigation’. At matapos ipaliwanag umano sa kanya ay pinapirma siya ng Waiver 125.

 “Hindi naman yung bata ang gumawa ng reklamo. Yung nanay lang talaga ang may gusto,” mariing sinabi ni Merlene.

Ika-8 ng Marso nakipag-usap sina Dolores, Helna at Allan kay Shelly tungkol sa kaso ni Arnel. Walang nangyari sa kausap nila..

Pumunta sina Dolores sa eskwelahan ng bata. Kinausap ang guro nitong si Jessica. Tinanong nila ang guro kung may alam siya sa insidenteng ito. Sabi ng guro, nakausap niya si Marie at tinanong kung may nangyaring panghihipo.

 “Naaawa nga po ako nung makita ko siya sa estasyon. Hindi niya naman talaga ginawa yun,” sagot umano ni Marie.

Ika-20 ng Marso, 2012 nagbalik sila sa bahay ni Shelly, nagulat sila nang may nakita silang isang lalaki na kilala nilang Kapitan ng kanilang baranggay. Sinabihan sila ni Shelly na, “Siya na lamang ang kakausap sa inyo.”

Diretsuhang sinabi sa kanila ng kapitan kung ano ang gusto nilang ma­ng­­yari. “Aminin ni Arnel na guilty siya. After 3 months palalabasin yan.”

 Gusto nilang kausapin ang bata subalit ayaw itong pagsalitain ni Shelly.

Ngayon ay isang buwan na mahigit na nakakulong si Arnel para sa kasong ‘Act of Lasciviousness in relation to RA 7610.’

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang problemang ito ni Merlene.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, napakahirap basagin ang isang halos naka-sementong kasabihan sa batas na sa pagitan ng isang positibong deklarasyon at identification kung saan itinuturo ng biktima at sinasabing siya nga ang may gawa. Sa isang banda, alibi naman at tanging pagtatanggi ang depensa ng kabila, ang una ang kadalasang mananaig.

Pagtibayin mo pa ‘to na ang testimonya ay nanggaling sa isang bata o menor de edad na binibigyan ng isang taga-usig o Hwes ng mabigat na timbang na butas ng karayom ang dadaanan nitong si Arnel. Kailangan maganda at kapani-paniwala ang paglalahad ng depensa sa korte para makitaan ng pagdududa. sa isang paglilitis ang hinahanap ay ‘beyond reasonable doubt’ bago makakuha ng isang desisyon ng ‘conviction’. May mga detalye na maaaring kwestiyunin ng abogado nitong si Arnel tulad ng pagpapapirma umano sa kanya ng waiver 125 na hindi siya inasistehan ng isang abugado bakit tinuloy ang inquest? Maaari din nilang pakiusapan ang gurong si Jessica na ilagay sa isang sinumpaang salaysay ang umano’y ipinagtapat nitong si Marie. Hindi rin naman madali ang umupo sa witness stand at magtahi-tahi ng kwento itong si Marie dahil kapag masusi ang pagtatanong ng abugado ng depensa madudurog ang testimonya nito kung ito’y pawang kasinungalingan lamang.

Matapos sabihin ang lahat ng ito, kalbaryo ang pagdadaanan nitong si Arnel at ng kanyang pamilya. Bilang pagtatapos kung sakali ngang nagawa ito ni Arnel sa dalagita na wala naman talaga siyang malisya, isang mapait na leksiyon, na may kaakibat na sintensiya ng pagkakakulong ang naghihintay sa kanya. Mula sa paghipo ng hita ng katorse anyos na dalaga at paghawak ng pwet nito paghimas ng rehas na bakal at pagpindot ng pwet ng kapwa preso ang kanyang kahihinatnan.

 (KINALAP NI Chen Sarigumba) Ang aming mga numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

* * *

Follow us on twitter: Email: [email protected]

ARNEL

AYON

ISANG

LSQUO

MARIE

MERLENE

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with