Ang magkapatid na magsasaka
NAG-AWAY ang magkapatid na nakatira sa magkatabing sakahan. Kauna-unahang alitan nila ‘yun sa 40 taong pagsasaka nang magkatabi, paghihiraman ng kagamitan, at pagtutulungan sa trabaho. Ang pinagmulang maliit na tampuhan ay nauwi sa masasakit na salita.
Isang umaga may kumatok sa pintuan ng nakatatandang kapatid na Juan. Nagpakilala ang lalaki na karpinterong naghahanap ng trabaho. “Aba’y meron nga akong ipapagawa,” sagot ni Juan. “Nakikita mo ‘yung tao sa kabilang sapa? ‘Yan ang aking kapitbahay, sa totoo na-kababata kong kapatid na si Pedro. Nu’n lang nakaraang linggo kawayanan ang humahati sa mga lupa namin. Pero nagkagalit kami, at binuldoser niya ang bukid patungong ilog, kaya nagkaroon ng batis. Tinutuya niya ako. Pero dadaigin ko siya.” Itinuro ni Juan sa karpintero ang tumpok ng troso: “Gusto ko ipagtayo mo ako ng bakod, lampas-ulo ang taas, para hindi ko na makita muli ang pagmumukha niyang si Pedro.”
Matapos bigyan ng pako’t panukat ang karpintero, lumuwas si Juan sa bayan para mamili. Nang umuwi siya nang palubog ang araw, tapos na ang karpintero magtrabaho. Nanlaki ang mata ni Juan sa nakita. Imbis na mataas na bakod, ang binuo ng karpintero ay tulay, tumatawid sa sapa patungo sa sakahan ni Pedro. Ang ganda ng tulay, matibay, at may hawakan pa sa mag-kabila. At patawid dito si Pedro, nakabuka ang mga braso para yakapin si Juan. “Napakabait mo talaga, Kuya,” ani Pedro, “nagpagawa ka pa ng tulay matapos ang masasakit na salita at gawa ko.”
Samantala, tahimik at nakangiting umalis na ang karpintero. Sana tularan natin siya kapag nakasaksi ng lumalalang tampuhan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending