NOONG Miyerkules ay grabeng trapik ang naranasan sa Metro Manila. Ang mga bumibiyahe ng kalahating oras mula Quezon City hanggang Port Area, Manila ay inabot ng dalawang oras. Ang mga bumibiyahe ng 20 minuto muIa Quiapo patungong Blumentritt ay inabot nang mahigit isang oras. Ang mga bumibiyahe ng 25 minuto mula Cubao patungong Sta. Mesa, Manila ay inabot ng mahigit isang oras.
Ganyan kabigat ang trapik ngayon sa Metro Manila at lalo pang bibigat sapagkat mabagal ang pagsasagawa at pagsasaayos ng mga kalsada. Halos nagsabay-sabay ang pagbubungkal at pagtibag sa mga kalsada. Halimbawa ay ang ginagawa sa Laon Laan St. sa Sampaloc na isang buwan nang nakatiwangwang at hindi gumagalaw ang contractor. Dusa ang mga motorista sa nasabing lugar. Kung hindi pa gagalaw ang contractor sa nabanggit na lugar, baka abutin ng unang patak ng ulan sa Mayo ang binungkal na kalsada.
“It’s more fun in the Philippines” ayon sa slogan ng Department of Tourism na inilunsad isang buwan na ang nakararaan. Paano magiging fun sa bansa kung ganitong grabe ang trapik at halos walang galawan. Paano maaakit ang mga turista at investors kung parusa ang pagbibiyahe sa kalsada ng Metro Manila. Maski sa Roxas Blvd at EDSA na pangunahing lansangan ay usad pagong ang mga sasakyan sapagkat may mga paghuhukay na isinasagawa.
Eksakto naman ang pagbatikos ng isang travel news website sa nararanasang trapik at mga problema sa Metro Manila. Binansagan ng travel website ang Metro Manila na isa sa pinaka-worst cities for driving. Bukod sa grabeng trapik, pinuna rin ang grabeng air pollution at ang pagbaha na nararanasan sa kalsada ng Metro Manila. Pangatlo ang Metro Manila sa pinaka-worst cities for driving. Nangunguna sa pinaka-worst ang Beijing, sumunod ang New Delhi, Manila, Mexico City, Johannesburg, Lagos, Sao Paolo, Moscow, Toronto at Monaco.
Walang masama sa pagsasaayos ng mga kalsada, pero dapat namang apurahin ang paggawa ng mga ito sapagkat lumilikha nang grabeng trapik. Hindi na biro ang nangyayaring trapik na maaaring ikairita ng bibisitang turista.