NAKAALIS na raw ang mga Chinese na bangka na iligal na nangingisda sa Scarborough Shoal. Sila ang pakay ng pagpunta ng ating Hukbong Dagat para hulihin dahil sa iligal na pangingisda. Nang abutan ay punumpuno na nga ang kanilang mga lalagyan ng mga higanteng kabibe, koral at may mga buhay na pating pa! Pero dahil hinarang ng mga barko ng hukbong dagat ng China ang ating barko at tila nagkaroon pa ng tensyonadong harapan, nawala sa pansin ng ating mga mandaragat ang mga bangka. Nang lumamig ang sitwasyon at umatras ang ating barko, wala na ang mga bangka na huhulihin sana, tangay na rin ang lahat ng kanilang huli.
Ito ang mahirap sa sitwasyon sa Scarborough Shoal. May pagtatalo pang nagaganap sa teritoryo, na hanggang ngayon ay hindi pa maayos, hindi pa masabi kung sino talaga ang may karapatan sa lugar. Hangga’t hindi pa matukoy kung sino ang may karapatan sa lugar, hindi dapat pinagsasamantalahan ng sinumang bansa! Katulad niyan, may mga bangka na galing pa ng China, na napakalayo sa Scarborough Shoal, para mangisda at pakinabangan ang yamang-tubig ng lugar. Kung sila puwede, bakit tayo hindi? Bakit kapag tayo ang nangingisda sa lugar, sumisigaw at nagbabanta kaagad ang maton na bansa?
Kung talagang tauspuso ang hangarin ng China na dapat dinadaan sa diplomasya at hindi sa pagbabanta ang isyu sa Scarborough Shoal, hindi sila dapat nagpapadala ng mga barkong pandigma sa lugar, at hindi rin sila dapat nangi¬ngisda roon. Pabayaan na muna ang lugar hanggang sa magkaroon ng malinaw na solusyon sa isyu. Ang mahirap sa China, kusang inaangkin lahat ng isla sa karagatan at ayaw dalhin ang isyu sa United Nations (UN). May mga batas sa UN na nagbibigay karapatan sa Pilipinas na mangisda sa Scarborough Shoal, pero hindi ito nirerespeto ng China dahil sa kanila nga raw iyon! Kung ganundin lang ang katayuan ng China, magpapatuloy ang habulang daga, pusa at aso sa West Philippine Sea! At kung mapapadalas ito, hindi malayo na magkaroon ng masamang insidente kung saan maaaring madamay pa ang ibang bansa na umaangkin na rin sa lugar. Ang China ang dapat huminahon at respetuhin na wala pang pinal na desisyon hinggil sa Scarborough Shoal. Huwag idaan sa lakas ng military at pagiging maton!