WALANG nagwawangwang pero ang kayabangan sa likod ng commemorative plates ang namamayagpag ngayon. At tila manhid ang Land Transportation Office (LTO) sa pagbibigay ng pahintulot para maidispley ang pampayabang na commemorative plates. Pansinin ang mga sumusunod: NBI@75, PNP-CIDG, AFP, PNPA, DOJ, PMA, LAWYER at PROSECUTOR. Makikita ang mga commemorative plates na ito na nakapatong sa plaka ng kanilang sasakyan. Halatang ipinagyayabang at panakot din para hindi mapigil ng traffic enforcers kapag lumabag sa trapiko o di kaya’y lumabag sa araw ng coding. At paano nga naman sila haharangin ng mga kawawang MMDA traffic enforcers kapag ang nakalagay na plaka ay LAWYER, NBI at PROSECUTOR.
Tagumpay si President Aquino sa pagbabawal ng wangwang. Naipatupad ito. Sumunod ang mamamayan at maski ang mga police car ay takot din na magwangwang. Tanging ambulansiya at mga bumbero ang may karapatang magwangwang o sumirena.
Hindi ba maaaring pati ang pagdidispley ng commemorative plates ay ipag-utos na ipagbawal sapagkat ginagamit na panakot o panindak ng mga abusadong mamamayan at opisyal ng gobyerno. O baka naman ang LTO chief na ang magkusa na ipatigil na ang pag-iisyu ng mga “payabang” na plaka. Hindi na dapat pang si President Aquino ang magbigay ng direktiba ukol sa mga commemorative plates sapagkat maaari naman itong gawin ng LTO chief mismo. Ito ay kung nalalaman ng LTO chief na inaabuso ang paggamit ng mga “payabang” na plaka. Nararapat na alamin niya na higit pa sa pagwangwang ang nililikha ng mga commemorative plates.
Maski si Sen. Lito Lapid ay nayabangan na rin sa mga commemorative plates kaya isang panukalang batas ang inihain niya para ma-regulate ang mga ito. Ayon sa Senate Bill 3153 na inakda ni Lapid, ipagbabawal na ang pagdidispley ng commemorative plates at ang lumabag dito ay makukulong ng anim na buwan at pagmumultahin ng P100,000.
Kailangan nang mawalis sa kalsada ang anumang kayabangan. Hindi kailangang ipagyabang ang mga titulo sa plaka ng sasakyan. Wasakin ang mga ito!