NOONG Sabado, pinalutang lahat ni Chief of Staff Senior Supt. Ronald Estilles ang mga naka-timbreng pulis sa Manila Police District upang i-deploy sa kalye. Halos lahat ng ahensiya ng pamahalaan ay nakatuon na sa Lakbay Alalay kaya mas kailangan sa ngayon ang mga pulis na magpapatrulya upang mapigilan ang pagsalakay ng mga magnanakaw. Siyempre marami ang naiinis sa bagong sestima ni Estilles kaya kahit na mabigat man ang mga balikat ng mga mayayamang pulis ay napilitang sumama sa roll call formation sa harapan ng MPD headquarters.
Sa unang batch umabot sa 450 pulis ang nabilad sa init kaya nakaagaw pansin sa mga motoristang nagdaraan. Ngunit likas sa mga pulis ng MPD ang pagiging pabaya sa kanilang requirement kaya hindi nakaligtas sa pag-inspection ni Deputy Director for Operation Senior Supt. Robert Po. Umabot sa 100 pulis ang naihiwalay sa hanay ng formation at doon pinangaralan at binigyan ng ultimatum na sa susunod na formation at hindi nila nakumpleto ang requirements ay papatawan ng parusa.
Malaking bagay ang ginagawang roll call formation ng MPD na dapat tularan ng lahat ng district ng pulis sa Metro Manila dahil dito malalaman kung sinu-sino ang masisipag at tamad sa serbisyo. Sa ngayon kasi na lantaran na sa mga publikong lugar kung sumalakay ang mga kriminal, dapat lamang na maging visible ang mga pulis. Ngunit ang nakadidismaya ay ang mga reklamong aking natatanggap mula sa mga dismayadong pulis.
Katulad na lamang sa pagbalewala umano ng Philippine National Police at National Police Commission sa mga spot promotion. Kung sabagay marami sa ating pulis ang isinusubo ang buhay sa pagganap ng tungkulin. Ngunit ngayon ay limot na ito at ang tanging napupuri ay yung mga kukuya-kuyakoy na mga opiyales. Mabibigyan lamang
ng pabuya at medalya ng kagitingan ang isang pulis kung ito namatay o nasugatan sa pakikipaglaban sa mga kriminal. Ngunit yung nakakahuli ng mga pusakal ay kadalasang naaasunto pa.
Sa aking pananaw dapat lamang na ibalik ang dating sistema na kinikilala ang isang pulis tuwing nakakabingwit nang malalaking isda. Dapat lamang na itaas ang ranggo ng isang pulis sa tuwing makagagawa ng kabayanihan sa sambayanan. Panahon na para mabigyan ng tamang pagkilala ng kadakilaan ng isang pulis nang sipagin sila sa kanilang trabaho. Palagay ko, tama lang na dinggin ito ni PNP chief Director Gen. Nicanor Bartolome dahil karamihan sa mga pulis ngayon ay matamlay sa trabaho. Nawa’y makasama sa dasal ni Bartolome nga-yong Kuwaresma ang hinaing ng mga pulis niya.
Abangan!