Pamana

NAMATAY na si Celso de los Angeles, ang may-ari ng Legacy Group of Companies. Siya yung hinihinalang nasa likod nang pinaka-malaking panloloko sa kasaysayan ng Pilipinas, ang Legacy insurance and pension scam! Katumbas nga raw ni Bernard Madoff ng Amerika. Pero ang pinagkaiba, si Madoff umamin at nakulong! Ilang kaso ng syndicated estafa ang hinaharap ni De los Angeles noong siya’y buhay pa. Libu-libo ang nawalan ng kanilang mga pinag-ipunang pera dahil pinasok sa mga banko at kompanya niya. Halos walang naibalik sa mga taong nagtiwala at nasilaw sa kanyang mga kaakit-akit na paraan para kumita ng pera. Nasa P30 bilyon ang estimasyon ng kanyang raket! Kaliwa’t kanan ang sinampang kaso laban sa kanya ng DOJ at PDIC, dahil sa umano’y panloloko, at sabihin na natin, pagkuha para sa sariling pakinabang ng mga pondong pinagkatiwala sa kanyang mga banko! Halos hindi na ako matigil sa kaka-larawan sa taong ito!

Ano na ang mangyayari sa mga kaso? Hahabulin pa raw ang mga ibang kinasuhan kaugnay sa scam na ito. Pero sa totoo lang, ano pa ang makukuha kung wala na nga yung mga banko, wala na yung mga pinansiyal na institusyon, wala na si Celso de los Angeles? May iniwan ba siyang mga ari-arian na pwede pang makuha ng korte? At tumakbo pa nga ito noong huling eleksyon. Saan niya kinuha ang pera para mangampanya? At ano ang ibabayad niya sa St. Luke’s? Ito ang mga tanong para malaman kung nakatago nga ang bilyong nawawalang pera ng ibang tao!

Naaawa ako sa mga nawalan ng pera dahil nakapasok sa mga kumpanya at banko ni De los Angeles. Sino na ang hahabulin nila? Ano pa ang makukuha nila? Ganun na lang ba? Parang napaka-suwerte naman ni De los Angeles at hindi na humarap sa korte ng tao para sa kanyang mga ginawa umanong panloloko. Baka sa korte na Diyos na lang mananagot!

Kabalintunaan naman ang kanyang napiling pangalan para sa mga kumpanya niya. Legacy, o pamana. Ngayong wala na siya, anong klaseng pamana ang iniwan niya? Sa kanyang iniwang pamilya? Sa bansa? Malamang hindi maganda, hindi maipagmamalaki at nakakahiya!

Show comments