NU’NG Mayo 2010 pinayagan ng Korte Suprema si noo’y-Presidente Gloria Macapagal Arroyo na labagin ang Konstitusyon. Miski bawal dahil paalis na siya sa Panguluhan, umoo ang mayorya ng mahistrado na hirangin niya si Renato Corona bilang Chief Justice. Hindi kuno sakop ng pagbabawal ang Hudikatura. Du’n nagsimula ang maraming kahina-hinala’t kahiya-hiyang desisyon ng Korte — na di-kalaunan ay ikina-impeachment ni Corona.
Nitong linggo sa boto na 7-2, biglang pinawalang-sala ng Korte si Corona sa pagkiling sa PAL laban sa sinibak na 1,400 flight attendants. Kesyo hindi raw paglabag sa internal rules ng Korte ang pagbukas nito ng matagal nang saradong kaso dahil lamang lumiham ang abogado ng PAL. (Ang normal na paraan ng pagbukas ng kaso ay mag-file ng motion for reconsideration, hindi lihim na liham.) Kasalukuyang nakasalang sa Senate impeachment court ang iginawi ni Corona. Pero nakipag-unahan ang pitong justices sa pag-acquit sa kanya.
Nitong linggo lang din, sa boto na 8-7, isinoli ng Korte sa estado ang mamahaling Piedad Estate sa Quezon City. Ito’y 38 ektarya na dati nang ipinasyang pag-aari ng pamilya Manotok laban sa mga Manahan, pero pinanghimasukan kelan lang ng angkang Barque. Anang Korte, peke kuno ang titulo ng magkabilang panig. Pero may sisti. Kaya naging walo ang mayorya ay dahil bumoto kasama nila si Justice Mariano del Castillo, na naka-sick leave mula pa Pebrero. Ang pumirma para sa kanya ay si Corona. Pinaboran umano dito ang abogado ng Iglesia ni Cristo. Bayad-utang ba ito ni Corona sa sekta na sumusuporta sa kanya?
Samantala, dinidribol pa ng Korte ang apela sa pagbukas ng dollar accounts ni Corona — na malamang ay ika-sibak niya bilang CJ.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com