KASASABI ko lang kahapon na mga bata ang target ngayon ng mga kriminal. At pinatunayan na naman ng isang walang saysay na krimen sa Taguig. Isang matalinong bata, na magtatapos na sana sa isang linggo at honor student pa, ang binaril ng isang magnanakaw dahil sa hindi binigay ng estudyante ang Playstation portable na ninanakaw sa kanya. Ganun lang. Hindi pa nakuntento ang magnanakaw sa isang pagputok, pinaputukan pa habang pabalik na ng bahay para takasan ang kriminal! Kaya walang laban talaga ang estudyante! Hindi na umabot sa ospital ang kawawang bata. Ang mahirap, nakatakas pa yung kriminal.
Dahil lamang sa isang laruan, na kung sa tutuusin ay wala namang mahalagang naidudulot sa tao kundi libang at aliw, ang naging dahilan ng pagkamatay ng bata. Hindi ko sinisisi ang gamit o ang biktima, lilinawin ko lang. Sinisisi ko nang husto ang kriminal, na papatay ng tao, para lamang sa laruan! Ito ang mga hindi na dapat nakakalakad ng malaya sa lipunan. Dapat ikulong panghabambuhay. At magkano lang naman mabebenta iyan kung sakali? Dalawangdaan? Limangdaan? Isang libo? Napaka-mura na ba ng buhay ngayon?
Malamang adik yung kriminal, na naghahanap ng puwedeng mabenta para makabili ng droga. Ewan ko, pero sabi nila dapat maawa sa mga user. Eh paano naman yung mga pinapatay ng mga user? Sorry na lang at adik yung nakapatay, pag-pasensyahan na lang? At tila asin sa sugat ang pahayag ng mga pulis na wala silang magagawa dahil kulang na kulang sila sa kagamitan at tauhan para bantayan ang anim na barangay sa lugar! Hindi ba’t parang imbitasyon na sa lahat ng kriminal na doon na lang gumanap ng krimen dahil hindi naman nila mababantayan?
Kung napupunta na sa mga aso ang lipunan — pasintabi na muna sa mga aso at kasabihan lang – at nagpapahayag na ang mga pulis na hindi na nila kaya, ano na ang gagawin natin? Ilalagay na ba natin sa ating kamay ang pagprotekta sa sarili at mga kapamilya? Hindi kaya mas magkakagulo kapag ganun? Anong pangmahabaang solusyon ang puwedeng gamitin, para masugpo na ang krimen na ngayon ay mga bata na ang target?