GULAT ang lahat sa deklarasyon ni Manny Pacquiao sa kanyang napipintong pagretiro sa boksing. Kapag matuloy yan ay marami ang nangangamba na mababawasan ang mga sports hero ng kabataan. Sa akin lang ay walang dapat ikabahala ang Pinoy dahil sa halip na kumonti ay dumadami ang ating mga idolo at sa iba’t ibang larangan nanggagaling.
Una sa mga ito ay ang former Bacolod caddie na si Juvic Pagunsan, ang pinakamahusay na golfer sa Asian Tour nitong nakaraang 2011. First time lang sa kasaysayan ng Asian Tour at ng Philippine Golf na isang Pilipino ang nagtop sa Asian Tour order of Merit – ito ang sukatan ng pinakaconsistent na magaling sa buong taon. At dahil sa kanyang pagiging best in Asia, ito’y nakumbida sa prestihiyosong PGA Tour sa America kung saan nakikilahok ang top golfers sa buong mundo sa pangunguna ni Tiger Woods. Sa pakikipagtagisan ng galing ni Juvic kina Tiger & Co. ay nagawa niyang sabayan ang mga ito at natapos niya ang tournament na tinalo pa ang iskor ng kanyang mga idolo. Kailanman ay wala pang Pilipino na umabot sa ganito kataas na baitang sa mundo ng Golf. Bravo, sports hero Juvic Pagunsan.
Dahil kay Juvic na nag-umpisa bilang caddie, lalong napalapit sa masa ang sport ng Golf na dati’y nilalaro lamang ng mga mayaman nating kababayan. Mayroon ding isang sport na ngayo’y napapalapit na rin sa pulso ng masa – ito ay ang football na kasalukuyang pinapasikat ng laro ng ating Philippine National Team, ang Azkals.
Ito lamang weekend ay napanalunan ng ating pambansang koponan ang 3rd place o Bronze medal sa prestihiyosong AFC Challenge Cup sa Nepal laban sa mahuhusay na National Team ng mga traditional powerhouse Football Countries.
Ito rin ang unang pagkakataon na isang Philippine National Team ay umabot sa ganito kataas na baitang sa kumpetisyon.
Tulad ng accomplishment ni Juvic, ang nagawa ng Azkals ay sa kabila ng kawalan ng pondo para sa kanilang training – pawis lang at pangarap ang puhunan.
Mawala man si Manny ay hindi tayo mauubusan ng idolo sa palakasan.