'Gulpe de gulat' (modus)
HUWAG MAKIPAG-USAP sa mga taong hindi kilala.
Habilin ng ating mga magulang at kahit na sinong nakatatanda sa atin.
Isang 25 anyos na dalaga ang nagsadya sa aming tanggapan. Siya ay si Maricel “Cel” Sinfuego taga-Makati City.
Sinamahan siya ng kanyang ama na si Roberto, 61 taong gulang.
Humihingi sila ng tulong upang makakuha ng kopya ng CCTV camera ng isang bangko. Gusto nilang makita kung sino ang taong nag- withdraw ng kanyang pera upang mahabol ito at mapanagot.
Isang Rogue’s Gallery o mga pinagsamang larawan ng mga pusakal, magnanakaw at mandurukot ang ipinakita sa kanya.
“Siya nga! Sia nga yung nanloko sa akin”, lumuluhang sinabi ni Cel. Ang taong tinuturo niya ay ang isang nagngangalang Virginio Rolando Panganiban.
Si Cel ay graduate ng kursong ‘computer science’. Nagtatrabaho siya bilang isang ‘call center agent’. Ang lahat ng kanyang ipon at naipundar na gamit ay mabilis na natangay sa isang bitbitan lang.
Isang Asus na laptop na nagkakahalaga ng Php26,000, Sony Ericson Model K-850i cellphone na Php27,000, Samsung Galaxy celllphone na Php6,000, ATM Card, dalawang credit cards, isang health card at mahahalagang ID’s ang nakuha sa kanya. Nasa Php90,000 ang kabuuang halaga nito.
Ika-2 ng Enero 2012, bandang alas 2:00 ng hapon, papunta si Cel sa bahay ng kanyang tiyahin. Sa may simbahan ng Sta. Ana sa kahabaan ng New Panaderos St., biglang may humarang kay Cel na isang lalaki. Ito ang kinilala ni Cel na si Virginio.
Nagtanong ito kung saan may malapit na computer shop. Doon daw kasi tumatambay ang mga kalalakihan na sangkot sa riot ilang oras bago dumating si Cel sa lugar.
Nakipagkamay ito sa kanya sabay sabi na ang pamangkin daw niya ay biktima sa nangyaring riot. Nasaktan daw ito. Kasama daw sa riot ang isang babae na naka-kulay asul na damit at may dalang bag na itim. Iyon ang suot ni Cel ng mga panahon na yun.
“Wala akong alam dyan dahil kararating ko lang din at wala akong kakilala dito”, sabi ni Cel .
Habang sila’y nag-uusap may dumating pa na dalawang lalaki, Ang isa ay nagpakilalang ‘police officer’. Ang isa naman ay hinarang lang din daw nila sa kalye tulad ni Cel upang tanungin.
Nasa may gitna sila ng kalsada sa may ‘island’ kaya niyaya siya ni Virginio na mag-usap sa harapan ng simbahan. Huwag daw siyang matakot dahil may ipapakita lang na ‘picture’ at ‘pouch bag’ na nahulog sa riot. Mapilit yung lalake at dahil nagpakilalang pulis medyo nasindak din itong si Cel.
“Baka daw kilala ko ang may-ari at maituro ko sa kanila, Wala akong naabutan na riot pero kapag hindi daw ako sumama sa kanila ay maaring isa daw ako sa mga suspek kaya sumama ako”, sabi ni Cel .
Umupo sila sa may plant box ng simbahan. Sabi daw ni Virgino ay kilala daw sila sa lugar na yun at ayaw daw niyang naagrabyado ang pamilya niya. Nagwithdraw daw ang pamangkin niya sa ATM. Inabangan, nagkagulo at naagawan ng Php8,000.
Tinanong si Cel kung meron ba siyang dalang ATM. Nilabas niya ito. Tinanong siya kung siya ba talaga ang may-ari ng ATM at pati na rin ang kanyang buong pangalan.
Ibinalik ang ATM sa kanya at inilagay niya sa bag. “Yung pagsasalita niya nakaka-nerbyos at nililigaw niya ang mga sagot ko hanggang sa hindi ko namalayan naibigay ko ang PIN number ko sa kanya”, kwento ni Cel.
Umalis ang pulis. Isinama ni Virginio ang isang lalaki na naharang lang nito. Pupunta sila sa hospital ng Sta. Ana para tignan ang litrato ng sinasabing suspek sa riot.
Iniwan nito kay Cel ang bag na may lamang camera.
Pagbalik ni Virginio. Nagmamadali ito at sinabi kay Cel na, “Tara na! Mabilis lang tayo! Hindi namalayan ni Cel na naiwan niya ang bag ng laptop sa simbahan.
Habang sila’y naglalakad patungong ospital ay may sumalubong sa kanila na isa pang lalaki.
Nagbilin daw ito na dapat magsabi ng totoo si Cel kapag tinanong tungkol sa ATM dahil baka makulong siya sa barangay.
Ang tita daw nito ay manager sa isang bangko kaya malalaman nito kung nagsisinungaling si Cel. Nagbanta din daw ito na huwag siyang tatakbo. Ang una daw na babaeng nakausap nila ay tumakbo kaya muntikan ng mabaril.
Pagdating sa may kanto ng Azuzena St. Sta Ana ay pinaghintay siya doon. Kasama pa rin niya ang isang lalaki. Tinawag ni Virginio ang lalaking nagbabantay kay Maricel para daw kunin ang picture. “Maupo ka lang. Dito ka lang pag kinawayan kita ibig sabihin ok na. Pwede mo ng makita ang picture”, sabi ng lalaki.
Naiwan siyang mag-isa. Hindi na bumalik ang mga suspek. Nahimasmasan si Cel.
“Huli na ng maisip ko na kung bakit ko iniwan sa kanila ang bag ko”, sabi ni Cel . May nakita siyang tao at nagpasama siya pabalik ng simbahan. Natatakot siyang maglakad mag-isa dahil baka daw may bumaril sa kanya.
Kahit isa sa apat na lalaking nakausap niya, wala na sa simbahan. Nagpunta na siya sa Sta. Ana Police Station PS6 upang magreklamo.
Pinapunta siya sa himpilan ng Manila Police District (MPD) Theft and Robbery Section nung araw na yun ngunit trauma, pagod at wala ng pera si Cel kaya siya umuwi.
Napa-block niya ang ATM ngunit na-withdraw na ang pera. Tumawag siya sa Metro Bank at nalaman niya na bandang 2:58 ng hapon ay nakuha na ang Php30,000 laman ng kanyang ATM sa Boni Mandaluyong Branch.
Lumipas ang apat na araw sinamahan siya ng kanyang ama sa himpilan ng (MPD). Ipinakita sa kanya ang Rogue’s Gallery at kinilala si Virginio Rolando.
“Sana matulungan niyo ako na makakuha ng kopya ng CCTV camera sa bangko para makita kung sino ang nagwithdraw ng pera”, panawagan ni Cel.
Nakapanayam namin siya sa aming programang CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, na-blanko ang isip ni Cel. Malinaw pa ito sa sikat ng araw. Mahirap naman kasi dinumog siya ng maraming lalake at may pulis pang nagpakilala.
Nangibabaw sa kanya ang takot kaya hindi niya naisip na ito ay isang gimik lamang. Mas mainam sana kung nung mismong araw na yun ay ipinakita na agad kay Cel ang rouge gallery. Ang problema ni Cel hindi niya kayang mag-describe ng itsura ng taong humarang sa kanya dahil iba-iba daw ang expression ng mukha nito.
Sa ngayon nagsampa siya ng kaso sa Prosecutor’s Office ng Maynila. Napaka-ordinaryo ng pangalan ni Virginio Rolando Panganiban kaya’t malamang ay hindi ito sisipot sa pagdinig.
Bilang tulong kami’y nakipag-ugnayan sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa ‘sketch artist’ na maaring tumulong kay Cel.
Paala lang namin sa mga mambabasa na kung hindi ninyo maiiwasan makipag-usap sa tao sa lansangan, kapag nakaramdam kayo ng kaba, sumibat na kayo. Maganda rin tandaan ninyo kung ano meron ito sa mukha na maaring kilanlan sa kanya tulad ng nunal, peklat o balat,
Tungkol naman sa bangko sa aming pagkakaalam, ang ‘maximum’ na halaga na pwedeng iwithdraw sa loob ng isang araw ay nasa Php10,000 lamang sa isang araw. Aming iimbestigahan kung paanong nakapag withdraw ng halagang Php30,000.
Maaring makipag-ugnayan ang pamunuan ng CIDG para hilingin sa bangko sa kanilang security officers na mabigyan sila ng kopya para may pagsimulan ang imbestigasyon at umusad ang kaso.
(KINALAP NI AICEL BONCAY ) Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Follow us on twitter: Email: [email protected]
- Latest
- Trending