UMAAKYAT na ang bilang ng mga nabibiktima ng mga fake job recruitment gamit ang electronic mail o e-mail. Kamakailan ay nagbigay na ng babala ang Philippine Overseas Employment laban sa modus na ito.
Ilan naman sa mga nabiktimang registered nurse mula sa probinsiya ng Bukidnon ang nakipag-ugnayan sa BITAG upang ipaalam ang estilo ng modus na ito. Anila, isang e-mail ang natanggap nila na nagsasabing sila ay napili na maging staff nurse sa isang health care center sa Canada. Binanggit sa e-mail ang pangalan ng nasabing establisyamento at lehitimo naman ang pangalan nito, base sa impormasyong nakuha nila sa internet.
Ayon sa e-mail, dumating sa Pinas ang mga emplo-yers ng nasabing kumpanya at kinakailangan nilang du-malo ng personal interview at ilang araw na pagsasanay sa ilalim ng mga Canadian trainers na nasa Maynila. Wala umanong placement at processing fee na dapat bayaran, wala ring salary deduction at show money. Sagot na ng employer ang work permit, working visa at ticket sa eroplano papuntang Canada.
Subalit kuwidaw! Dahil ang catch, may medical examination na nagkakahalaga ng P5,000 at Canadian Embassy Interview Coaching fee na P3,750.
Ang proseso, magtext muna sa mga numerong nasa e-mail na ‘yun at magbibigay ng instruction bago ihulog sa “Western Union”. Sinubukang tumawag ng mga biktima sa telopono at cellphone number na nakalagay sa e-mail, company phone daw ito ayon sa baklang nakausap nila sa telepono.
Magaling mag-ingles, kahanga-hanga magsalita, maboladas at magaling mangumbinsi ang kanilang nakausap na facilitator umano ng nasabing training at interview. Dahil sa matagal na panahong paghihintay ng mga biktima sa kanilang mga inaplayan sa iba’t-ibang job website makakuha lamang ng trabaho bilang nurse sa ibang bansa, inakala nilang eto na ang oportunidad.
Tulad ng inaasahan, sila’y mga naloko. Halos P10,000 bawat isang tao ang nakulimbat ng dorobo sa likod ng fake recruitment e-mail. Patuloy pa ang pagkalat ng mga mapanlinlang na e-mail na ito na ang mensahe ay makakuha kayo ng trabaho. Kaya mag-ingat, hindi lamang mga nurses ang target biktimahin ng mga ito.
Upang huwag maloko, abangan sa kolum na ito sa susunod na lathala ang mga babala at palatandaan na ang inyong katransaksiyon ay manggagantso!